ANG MAGIGING paksa ng mga reflections natin nitong siyam na araw ng ating Simbang Gabi ay iikot sa MISYON. Idineklara ng CBCP mula noong 1st Sunday of Advent ang YEAR OF MISSION. Parte ito ng preparasyon na ginagawa natin para sa pagdiriwang ng 500th Year of Christianity at ang suggested theme para sa taóng ito ay “GIFTED TO GIVE” (Ang Binigyan ay Nagbibigay.)
Kaya bawat araw ng ating Simbang Gabi, isang regalo ng misyon ang pagninilayan natin, batay na rin sa ating mga pagbasa. Anong regalo ang ibinigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Pananampalatayang Kristiyano, na gusto rin niyang iregalo rin natin sa mundo, bilang pakikiisa natin sa misyon ni Kristo?
Para sa unang araw ng ating Misa de Aguinaldo ang focus natin ay ang REGALO NG PAG-ASA. Napapanahon ito lalo na sa mga panahon ng krisis tulad ng pinagdaraanan natin ngayon dahil sa Covid–19 pandemic. PAG-ASA rin ang pinaka-buod at diwa ng buong panahon ng Adbiyento, at isinasaritwal natin ito sa pamamagitan ng pagsisindi ng apat na kandilang nakatirik sa isang korona ng mga dahon ng cypress. Bakit cypress? Dahil iyon lang ang mga punong hindi nalalagasan ng dahon kapag winter o taglamig. Nananatiling sariwa at luntian, kaya simbolo ng pag-asa.
Last week, sa isang Misa, nabanggit ko sa aking homily na kung alam lang natin kung gaano kahirap ang mabuhay sa isang bansa na may winter ay hindi mo ituturing na romantic ang kantang I’M DREAMING OF A WHITE CHRISTMAS. Hindi po romantic ang winter; ito ang pinakamalamig at pinakamadilim na panahon ng buong taon. Ayon sa statistics sa Europa, maraming nadi-depress kapag winter, at marami din ang nagsu-suicide.
Kung malaking gastos sa atin ang mag-aircon kapag summer, triplehin ninyo ang gastos para sa heating system ng mga bahay sa America at Europa. Mabuti pa ang summer, kahit bentilador pwede na. Pero pag winter mamamatay ka talaga at magyeyelo kapag walang heating system ang bahay mo.
Nong panahon ng stone age, ito ang panahong pinaka-kinatatakutan ng mga tribal people. Malaking challenge sa kanila na ma-survive ang taglamig. Kung di sila nakapagtabi ng pagkain sa summer, magugutom sila talaga. Kung meron tayong “saving for the rainy days” mayroon silang “saving for winter.”
Ewan ko lang kung mauuso ang Simbang Gabi sa Pilipinas kung meron tayong winter. Pero hindi, dinala rin ng Pinoy sa abroad ang Simbang Gabi kahit sa mga bansang may winter. Para bang hindi meaningful ang Pasko nila kung walang Simbang Gabi.
May dating siguro sa atin ang sakripisyo ng maagang paggising, ng paghihintay sa dilim para sa pagdating ng liwanag. Kasi, parang ganyan din ang paghahagilap ng PAG-ASA SA BUHAY. May kinalaman sa matiyagang paghihintay. Katulad ngayon, di ba’t tinatanong natin, kailan matatapos ang pandemyang ito?
Sa kauulit natin sa ORATIO IMPERATA LABAN SA COVID 19, di ba parang nakakatuksong masiraan na ng loob? Ilang buwan nang nagtatago sa bahay ang mga senior citizens? Ilang buwan nang ipinagbabawal na lumabas ang mga bata at kabataan? Ilang buwan na silang walang pasok at hanggang online learning lang? Ilang OFW ang napilitang umuwi at hindi na nakabalik? Ilan na ang nawalan ng trabaho at ngayon walang katiyakan ang kinabukasan ng mga anak? Araw araw pinuprublema ang susunod na kakainin ng pamilya? Ilan ang nag-invest sa negosyo at nalugi? Ilan na ang nahawa sa virus, ang naospital at walang pambayad? Ilan na ang na-ICU at hindi madalaw dahil bawal? Ilan ang pumanaw na kinailangan kaagad ma-cremate, na ni hindi nayakap at naiyakan ng mga kaanak? Ilan ang mga namatayan ng mahal sa buhay at ni hindi nakapagluksa? Ang dami tuloy ng mga bagong mental health issues na dinaranas ang marami sa mga tao ngayon sa buong daigdig: mga dumaranas ng panic attacks, anxiety disorder, mga post-trauma stress disorder at depression.
Napansin ko nitong mga nagdaang araw, napakarami ng humiling ng recollection kahit by zoom lang o livestreaming. Dati-rati ang uso lang ay mga recollection kapag Lenten season. Ngayon usong-uso na rin ang mga Advent recollection. At ang mga hindi makasimba at sa online na lang dumadalo hindi makuntento sa isang Misa. Iyong ibang kilala ko, tatlong beses daw araw-araw sila umattend ng livestreaming ng Misa. Sa mga humiling sa akin ng online recollection may mga duktor, mga dentista, mga nurses, mga businessmen, mga titser atbp. Naghahanap talaga ang mga tao ngayon ng mapaghuhugutan ng lakas. Nilalabanan kasi nating lahat ang isang matinding kalaban: ang PAGKASIRA NG LOOB.
Akala ko noon mga poste lang ng mga bahay na kahoy ang inaanay. Tayo din palang mga tao. Ang husay naman ng mga anay ano, nginangatngat ang loob ng kahoy na poste at iniiwan ang balat. Pagdating ng panahon, bigla na lang guguho, iyon pala matagal nang sira ang loob. Di ba ganyan din ang tao? Minsan akala mo okey sa panlabas, pero hindi pala okey sa loob?
Ang gandang linggwahe talaga ng Tagalog, napaka-descriptive. Iyung salita natin para sa discouragement ay PAGKASIRA NG LOOB. Kung ita–translate mo na literal sa Ingles: “to collapse inside, to cave in, to fall apart and break into pieces”. Ganoon ang opposite ng PAG-ASA.
Kaya mga kapatid, kapag tinanggap natin ang regalong PAG-ASA ni Kristo, ibig sabihin kailangang ibahagi rin natin ito bilang regalo sa mga taong nawawalan ng pag-asa sa buhay. Misyon natin iyan bilang Kristiyano. Kailangang kailangan ng marami sa panahon natin na makarinig ng kaunting mensahe na magpapalakas ng loob. Kapag ang tao ay nawalan ng kabuhayan o ng mahal sa buhay, nanghihina siya, naghihinagpis, nagdidilim ang daigdig, parang winter na malamig at madilim, parang magandang kuwentong biglang tinuldukan.
Ang image natin ng PAGASA sa Gospel reading ay si Juan Bautista. Para daw siyang ilaw sa dilim, at nagsasabing may higit pang liwanag na darating. Pero alam nyo, kahit si Juan Bautista muntik na ring mawalan ng pag-asa. Itinuring siyang kriminal, di ba? Inaresto, at ikinulong sa mabaho at madilim na bilangguan. Dinagdagan pa ng mga alagad niya ng mga intriga at paninirang puri laban kay Hesus na ipinakilala niya bilang Mesiyas. Siguro dahil din sa tindi ng depression, nagpasugo siya kay Hesus at nagtanong, “Ikaw na ba talaga ang ipinangakong darating o maghihintay kami ng iba?”
Marahil siniraan si Hesus ng mga tsismoso at intrigera at sinabihan si Juan Bautista na ang successor niya ay wala namang ginawa kundi magpasasa sa mga kainan at inuman at naging kaibigan ng mga prostitutes at mga tax-collectors. Pero hindi nagpadala si Hesus. Alam niya ang pinagdaraanan ng kaibigan niya. Kahit sa panalangin lang ay sinamahan niya siya.
Minsan sa di natin nalalaman, kahit text lang, o kahit padalang ulam, o kahit isang usap sa skype o zoom, o kahit sabihin lang sa chat na ipinagdarasal mo siya, napakalaking bagay sa ibang tao. Kaya lang ingat din tayo sa mga dumaranas ng depression, lalo na sa mababaw na salitang tulad ng “Bat ka ba nag-iinarte? Kulang ka lang sa dasal. Wala ka bang faith?”
Minsan sa di natin nalalaman, lalo nating pinalalalâ ang depression ng iba. Ingat din tayo sa mga walang katuturang mga pakunswelo de bobong tulad ng “Wala iyan. Huwag mong masyadong iisipin. Matatapos din ang problema. Huwag kang pessimistic. Look at the bright side of life.” Ang ganyang salita madaling bitawan na wala ni katiting na malasakit.
Minsan mas mabuti pa ang tahimik na pagdamay, pagpaparamdam na naroon ka para sa kanya, na hindi siya nag-iisa. Ang tunay na pag-asa ay hindi pagkukunwari okey kay gayung hindi pala; denial iyan. Ang nakakatagpo ng pag-asa ay hindi tumatakas sa pagsubok, humaharap sa dilim kahit may takot sa puso, kahit natutukso ring masiraan ng loob. Hindi bumibigay, naghihintay nang buong tiyaga sa paglipas ng dilim.
Minsan naitatanong ko, bakit kaya nasabi ni Jesus, “Blessed are those who mourn for they shall be comforted?” Kailan pa naging blessing ang mapait na pagluluksa? May narinig akong isang awtor na Italianong ang pangalan ay Carlo Rovelli. Ganito ang description niya ng pagluluksa: “It isn’t absence that causes sorrow (or grieving). It is affection and love. Without affection, without love, such absences would cause us no pain. For this reason, even the pain caused by absence, is, in the end, something good and even beautiful, because it feeds on that which gives meaning to life.”
Kaya pala sinasabi ni Hesus na blessing ang magluksa. Hindi ka naman magluluksa kung hindi ka nagmahal nang tunay. Kung kailan mas matindi ang pagmamahal, mas matindi ang pagluluksa pag namatayan. Pero dahil pag–ibig ang pinagmulan, may saysay o may kabuluhan ang pagluluksa. Nagbibigay ng tiyagang maghintay sa kadiliman. Sa taong nagmamahal, hindi kamatayan ang katapusan. Kaya pala naisulat minsan ni Saint Paul: “Oo, magluksa, pero huwag magdalamhati na parang wala ng pag-asa. Di ba’t naniniwala tayong si Hesus na namatay ay muling binuhay?” (1 Thess 4:13)
Sinabi rin niya sa Rom 5:5 “Ang umaasa ay hindi nasisiraan ng loob dahil ang pagibig ng Diyos ay nagpapatibay sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” Gayundin Sa Rom 8:25, sabi niya, “Ang umaasa, kahit hindi pa niya natatanaw ang liwanag ay matiyagang naghihintay.” At sa dulo ng 1 Cor. 13:13, ganito ang conclusion niya mayapos idescribe ang pagibig, “Tatlong regalo lang ang nananatili sa bandang huli: faith, hope and love.” Pero sabi niya ang pinakadakila ay hindi FAITH; hindi rin HOPE o PAG-ASA kundi LOVE. Ang pag-ibig daw ay walang hanggan.
At sabi rin ni St. John, “Ang Diyos ay Pag–ibig.” Ito pala ang pinagmumulan ng tunay na pag-asa. ANG TAONG TUNAY NA NAGMAMAHAL AY HINDI MAWAWALAN NG PAG-ASA. Ito ang regalo ang Pasko. Ito rin ang iregalo natin sa mga nasisiraan ng loob.
(Homily for 16 Dec 2020, 1st day of Simbang Gabi, Jn 5:33-36)