ANG PAKSA ng ating pagninilay batay sa ating mga pagbasa ay tungkol sa pagiging ALAGAD. (Iuugnay natin ito sa kapistahan ng Sagradong Puso—doon sa isang linya mula sa kinakanta nating O SACRED HEART O LOVE DIVINE. Doon malinaw kung ano ang ibig sabihin ng maging alagad ni Kristo: “And make our hearts so like to Thine, that we may holy be.” Ang translation ko nito sa Filipino ay, “Hubugin mo ang aming mga puso sa kabanalan mo.”)
Ang pagiging alagad ay pagsunod kay Kristo, upang mahubog ang ating mga puso at mahawig sa Kabanal-banalang Puso ni Hesus. Ano ang ibig sabihin nito? Ito ang tanong na sinasagot ni San Pablo sa ating 2nd reading. Sabi niya sa Gal. 5:1: “Tayo’y inilaan ni Kristo para sa isang BUHAY NA MALAYA. Kaya ang alagad ay dapat manindigan at huwag na muling magpailalim sa diwa ng pagiging alipin.” Para kay San Pablo, ang pagiging alagad ay paghahangad ng isang buhay na tunay na MALAYA. At si Kristo lang ang makapagtuturo sa atin nito.
Ito ang punto ni Hesus sa first part ng ating Gospel reading. Napagsabihan daw ang mapusok na magkapatid na sina Santiago at Juan. Dahil hindi sila tinanggap sa bayan ng Samaria, galit na galit sila. Para silang mga bata na masamang-masama ang loob dahil ayaw silang pagbigyan sa gusto nila, aba e gusto na yatang magwala. Suggestion ba naman nila na paulanin na daw ng apoy ang mga Samaritano para pugnawin na sila.
Naalala ko tuloy ang sinabi ng Diyos kay Cain nang sumama ang loob nito dahil sa inggit. Dahil mas nagustuhan ng Diyos ang alay na tupa ni Abel kaysa inialay niyang gulay mula sa pananim niya. Binalaan siya ng Diyos tungkol sa pagtatanim niya ng sama ng loob laban sa kanyang kapatid. Bago pa nangyari ang pagpatay niya sa sarili niyang kapatid, pinagsabihan na siya: “Huwag mong hayaang dalhin ka ng damdamin mong iyan sa pagkakasala. Mapagtatagumpayan mo ang udyok sa puso mo kung gugustuhin mo.” Pero hindi, nagpatalo siya sa damdamin niya.
Nagpadala sa udyok ng galit.
Kahit si San Pablo may sinabi ring ganito sa Eph 4:26-27, “Kapag nagalit ka, huwag mong hayaan na dalhin ka nito sa pagkakasala.” Ibig sabihin, hindi naman masama ang magalit—damdamin iyon na dumarating sa atin kung minsan. Ang masama ay kapag hinayaan mong lasunin nito ang isip mo at dalhin ka sa pagkakasala. Kaya sabi ni San Pablo, “Huwag mong kimkimin ito nang magdamag. Huwag mong bigyan ng puwang ang diyablo na paglaruan ang damdamin mo.”
In short, kung alagad ka ni Kristo, sikapin mong manatiling malaya sa mga bagay na maaaring makaalipin sa iyo—hindi lang sa labas kundi pati na sa loob natin. Kasama na rito ang mga basurang itinatago natin sa kalooban na pwedeng lumason sa ating isip at damdamin.
Isa pang aspeto ng kalayaan na itinatawag pansin ni Hesus sa mga naghahangad na maging mga alagad niya ay ang sobrang pagkahumaling sa anumang meron tayo sa mundo: maging mga bagay o mga tao. Paalala niya sa atin na huwag tayong kakapit sa anuman o sinuman dito sa mundo NA PARA BANG IYON NA ANG LAHAT SA ATIN. Bakit? Dahil lahat ng bagay sa mundo ay lilipas. Kapag tinuring mo nga naman na parang iyon na ang lahat sa buhay mo, ano ang mangyayari kapag nawala ito sa iyo? Ibig bang sabihin tapos na ang lahat? Si San Ignacio de Loyola, ang nagtatag sa Samahan ng mga Paring Heswita, ay may isinulat na panalangin na ginawang kanta sa Misa. Ang title nito sa Latin ay SUSCIPE—na ang ibig sabihin ay TANGGAPIN. Isang awit ng pag-aalay, parang exercise o pagsasanay na dapat matutuhan ng bawat alagad. Isang magandang paalala na, bilang mga alagad ni Kristo, kailangang matutunan nating maging handa sa lahat ng pagkakataon na mawalan ng kahit na ano o sino dito sa mundo. Oo nga naman. Bakit hindi dapat ituring ang anuman sa mundo bilang lahat sa atin? Kapag nawala ito para bang wala nang saysay ang buhay mo. Kaya, para sa kanya, imbes na maghinagpis, ang tamang attitude ay, IALAY MO ITO. Para kay San Ignacio, ito ang sikreto kung ibig nating mabago ang ating disposisyon lalo na kapag ramdam natin na masyado nang lumalakas ang kapit natin sa mga bagay na lumilipas. Bago pa mawala sa iyo, ialay mo na.
Para sa kanya, malaki ang maitutulong kung handa ang puso natin sa pagkawala ng anumang itinuturing nating malahaga sa buhay natin: “Kunin mo O Diyos at tanggapin mo ang aking kalayaan, ang aking kalooban, ang isip at gunita ko, lahat ng hawak ko, lahat ng loob ko, LAHAT AY AKING ALAY SA IYO.”
Medyo napapangiti ako pag naririnig ko ang kasunod. Sabi niya, “Mula sa iyo ang lahat ng ito, muli kong handog sa iyo…” Para bang sinasabi niya, “Ano ba ang dahilan ba’t sasama ang loob ko pag nawala ang anuman sa akin, e sa Iyo naman galing ang lahat ng iyan? Ibinigay mo sa akin kahit hindi ko hinihingi, kaya bakit ako magagalit kung babawiin mo? Panginoon, okey lang po. Pwede mo pong kunin lahat kahit anong oras. Isang bagay lang ang hinihingi ko na huwag mong babawiin: at ito ang PAGIBIG MO. Isinusumpa ko, handa akong bitawan o talikdan ang lahat, alang-alang sa pagibig mo.”
Ito ang ibig sabihin ng maging alagad: ang hayaan na ang ating mga puso ay mahubog at matulad sa MALAYANG PUSO ng Anak ng Diyos.
(Homiliya para sa Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon, 26 Hunyo 2022, Luk 9:51-62)