Ang pagboto nang TAPAT

    1507
    0
    SHARE

    Mga kabalen, ilang buwan na lang bago ang deadline sa pag-file ng kandidatura para sa Senado, Kongreso, at mga lokal na pamahalaan. Ilang buwan matapos noon, eleksyon na naman.

    Marahil, marami sa atin ang naririndi na sa mga jingle at nauumay na sa mga nakapaskil na poster ng mga kandidato sa tuwing panahon ng eleksyon.

    May silbi pa rin naman ang mga iyon dahil  nakikilala ang mga taong tumatakbo. Ngunit, mas mahalaga pa rito ang makilala rin ninyo sa mas malalim na antas ang mga taong ito na nanliligaw sa inyo kada halalan.

    Bukod sa pangalan, slogan, at kanta, bukod-tangi ang kahalagahan ng pagkilatis sa mga susunod na mamumuno ng ating bansa at mga bayan. Importanteng masiyasat natin ang mga bagay na lagpas pa sa kung ano ang kadalasan nating nakikita.

    Limang bagay ang dapat nating tandaan sa pag-uusisa sa mga kandidato.

    Maibubuod natin ang limang ito sa salitang TAPAT—dahil ang mga taong ito ay nararapat na maging tapat hindi lamang sa kanilang dala-dalang prinsipyo, kundi maging tapat sa tiwala ng bawat mamamayan.

    Dapat TAPAT ang isang pinuno dahil higit pa sa pamumuno, siya ay naglilingkod.

    Una, kailangang may Track record ang kumakandidato. Mahalagang mayroon tayong batayan para malaman na may kakayahan ang mga tumatakbo kapag sila ay nailuklok na sa posisyong nais nila.

    Ikalawa, kailangang may Advocacy—kailangang may ipinaglalaban ang isang naghahangad na maging tagapaglingkod ng taumbayan. Maaaring iba-iba ito, depende sa tao.

    May mga kandidato na ang adbokasiya ay ang pagsusulong ng karapatang pantao, may iba naman na ang nais ay ang pagiging abot-kaya ng mga batayang serbisyo kagaya ng serbisyong pangkalusugan, kuryente at tubig.

    Ang mas magandang itanong sa puntong ito ay: Bitbit ba ng kandidatong ito yung sarili kong mga adbokasiyang pinapahalagahan?

    Ikatlo, kailangang may Platform. Alam nating kahit pa may napatunayan na ang isang kandidato sa mga dati na niyang ginagawa, walang silbi ang mga ito kung wala naman siyang kongkretong nais ihain o ipanukala pag naluklok na siya.

    Malaking bagay ang pagboto sa mga taong may realistikong tugon na isasagawa para sa samu’t saring usapin pag dating ng pagkakataong palarin siya at mabigyan ng posisyon.

    Ikaapat at ikalima, ipagsasama ko na, ay Accountability at Transparency. Kung tunay na TAPAT nga ang isang kandidato, mahalagang alam natin na paninindigan niya ang kanyang pananagutan at sinumpaan tungkulin at ang kanyang pagiging bukas pag dating sa mga personal na bagay kagaya ng yaman at ari-arian upang mapatunayang hinding hindi siya magnanakaw o aabuso sa kapangyarihan.

    Mula noon, hanggang ngayon, malaking problema na nating kinakaharap ito.

    Kapag pampublikong opisyal ka, nararapat na hindi lang pagsulong nitong dalawang bagay na ito ang gagawin, kundi ang mismong pagsasabuhay nito sa bawat gawain.

    Ang pagiging TAPAT sa mamamayan ay ang ‘di matatawarang tungkulin ng isang pinuno. Ito ang dapat na tinitingnan natin sa ating mga pipiliin para maging Senador, Kongresista, at lokal na opisyal.

    Sa halalan sa susunod na taon, pakatandaan na ang isang boto ang magiging pinakamabisang kasangkapan at sandata upang iwasto ang mga mali at iwaksi ang tiwali sa ating pamahalaan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here