Ang pagbabalik ni GMA

    585
    0
    SHARE

    Hindi lang back-to-work si dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

    Nagpahiwatig din siya ng planong reelection dalawang araw makaraan siyang payagan ng hukom na magpiyansa ng P1 million para sa kanyang pansamantalang kalayaan kontra sa kasong electoral sabotage.

    Kaharap ang mga taga-suporta na nagtipon sa Babo Sacan Elementary School sa Porac, Pampanga noong Biyernes, Huly 20, sabi ni GMA: “Ali kata mikawani (Tayo ay hindi maghihiwalay/We shall never part ways).”

    Good news o bad news ba yan?

    Ang sukatan diyan ay kung magaling siya bilang mambabatas at nakikinabang ba talaga ang kanyang mga constituents.

    Silipin natin ang mga figures: P45 million lang ang pork barrel na kanyang kinuha nitong 2010 at 2011 samantalang P70 million kada taon ang nakalaan sa bawat distrito. Sa halagang P45 million, P8.081 million ang ibinahagi pa niya sa distrito ng Quezon, Occidental Mindoro, Leyte, Davao del Sur at Bohol.

    Nagbigay din siya ng P1.3 million sa first district ng Zambales at P1.4 million sa second district ng Camarines Sur.

    Kakaunti na nga ipinamigay pa niya sa kanyang mga ka-alyado sa pulitika na hindi binigyan ni Pangulong Noynoy ng pork barrel.

    Pero sabi sa akin ni Congressman Mikey, higit pa raw riyan ang projects si GMA, sabay bitaw ng pangako na bibigyan nya ako ng mga dokumento. Nasaan na Cong?

    Kung dati ay buhos-buhos biyaya sa Distrito Dos, aba, tatatlong kahon ng kapote ang ipinamigay ni GMA sa mga mag-aaral ng Babo Sacan.

    Kung sa panukalang batas, daig niya ang mga mambabatas na walang sakit. Dalawpu’t anim ang inihapag niya sa Kongreso. Dalawa na ang umungos sa Senado.

    Ang una ay gagawing criminal offense ang pagmamaneho ng lasing. Ang ikalawa ay pag-amyenda sa Fisheries Code.

    Sa mga nagdududa sa kanyang kakayahan, heto ang pahiwatig ni GMA: “Malaus ing obra ku keng distritu.

    Eda kayu paburen (Tuloy ang trabaho ko sa distrito. Hindi ko kayo pababayaan).”

    Sabi ni Among Ed: “Sana hindi ginagamit ni GMA ang public office para pansalag sa mga kaso laban sa kanya.

    Sana ang posisyon niya ay kanya talagang ginagamit para pagsilbihan ang mga tao sa distrito dos.”

    Pero ang tanong, kaya ba talaga ng kalusugan ni GMA na nasa pulitika pa siya?

    Batay sa nakita ko sa Babo Sacan, kaya pa niya. Mabagal nga lang siyang maglakad, malaki ang kanyang ipinayat, mahina ang boses at nakasuot siya ng soft braces sa leeg at balakang.

    Sabi ng isa niyang taga-suporta: “Sana unahin muna niya ang kanyang kalusugan bago pulitika.”

    Sabi naman ni Candaba Mayor Jerry Pelayo: “Kay GMA, ang trabaho ay therapy.”

    Aws! Kaya pagkatapos ng misa ng 21 pari sa kanyang bahay tabi ng simbahan ng San Agustin nitong Sabado, tumungo na si GMA sa Ebus, Guagua. Maysakit yan ha?

    q q q

    Sa bungad pa lang ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy, bad news na ang bumulaga sa sa Central Luzon, ang kanyang home region.

    Sabi niya: “Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.”

    Walang North Rail, walang train papuntang Clark International Airport (CIA)!

    At ang lalong nakakagalit, wala ang CIA sa mga airports na aayusin at itatayo. Hawa naman di ba, Tatang Chichos (Victor Jose Luciano, pangulo at CEO ng Clark International Airport Corp.)?

    Ang konsolasyon, straight from the mouth of P-Noy: “Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite.

    [Applause] Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector.

    Matatapos po ang mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito.”

    Secretary Mar Roxas, ano ho ba talaga plano ng administrasyong Aquino sa CIA? Aba, sangkaterba na ang low-cost flights dito.

    Alternative airport na lang ba ang CIA, taga-tanggap ng ng diverted flights kapag bumabagyo sa Hong Kong?

    At sa ganyang pagkakataon, mabilis na umaantabay sina DOT Central Luzon director Ronnie Tiotuico sa mga stranded passengers.

    q q q

    Congrats sa Samal, Mariveles, Balanga City at Olongapo City sa pagkakatanghal nila bilang child-friendly local governments sa Central Luzon. Sana manalo kayo sa pambansang patimpalak.

    q q q

    Congrats din kay Consul Elmer Cato. Tinanggap niya mula kay Pangulong Noynoy ang Gawad Mabini. Kinilala si Memeng bilang Dakilang Kasugo bilang pagkilala sa kanyang pagsisikap na ilapit ang pamahalaan sa tao.

    Ang kongkretong aksyon diyan ay ang paglilipat ng mga DFA passport offices sa mga mall. Ang tawag ko diyan ay ang mall-ization ng DFA services. You deserve the award Memeng!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here