Noong 2001, inaprubahan ng pamahalaan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Sa batas na ito kinailangan ang privatization ng power generation at transmission assets ng Napocor (NPC), mga IPP contracts, at lahat ng disposable assets, maliban sa mga kasapi sa Small Power Utilities Group.
Isinagawa ito sa pamamagitan ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM).
Ang aking ama, si Wigberto Tañada, noong bahagi pa sya ng House of Representatives, ay hindi sumang-ayon sa EPIRA, dahil nakita niya ang pagmonopoliya ng pribadong sector sa industriya ng power generation at transmission, tutol sya sa pagkakaroon ng probisyon ng cross ownership, at ang pagpasa ng utang hindi lang ng NPC kundi pati na rin ang mga pribadong electric utilities.
Makaraan ang sampung taon sa implementasyon ng EPIRA, dalawa ang umusbong na problema:
Una, lalong lumaki ang problema sa supply ng kuryente. Sa Luzon at Visayas, nakaramdam ng kakulangan sa supply ng kuryente, at sa Mindanao, naging kritikal naman ang supply nito.
Ikalawa, naging napakataas, kumpara sa ibang bansa, ang singil ng kuryente sa bansa.
Pinigilan pa ng EPIRA ang NPC ng pagkakaroon ng bagong kontrata para sa bagong kapasidad.
Ang mga tanong: Nakakamit ba natin ang pinakamagandang presyo sa kuryente sa ilalim ng EPIRA? Bakit ba habang nalulugi ang PSALM sa pagsasagawa ng mandato nito ay tumatamasa naman sa kita ang pribadong sektor?
Mayroong mga suhestiyon para sa para sa pagrerepaso ng istruktura ng pag-aari ng industriya ng koryente o at upgrading ng technical regulation.
Ngunit sa harap ng mga suhestiyon na hangad mapa-angat ang power supply situation sa bansa, palagay ko kailangang tingnan ang pagpasok muli ng gobyerno ng power generation.
Sa aking palagay, ang gobyerno ay dapat isa sa mga pangunahing player sa power generation.
Kapag nangyari ito matutugunan ang mga pangangailangan ng kuryente at maibibigay sa mamamayan ang posibleng pinaka-mababang presyo nito.
Sa pagpasok muli ng gobyerno sa industriya ng power generation, magkakaroon ng isang benchmarking mechanism kung saan mai-babalanse ang anti-competitive behavior. Ito ay nagaganap ngayon sa panig ng mga private players kung saan posible ang pagmamani-obra ng presyo ng napakahalagang resource na ito.
Sa ngayon, at sa pagka-palpak ng PSALM ng EPIRA, kailangan ang muling pagkakaroon ni direktang pakikibahagi ng gobyerno sa power generation, maging sa technology development, gaya ng renewable energy.
Siyempre, maglalagay tayo ng mga kailangang safeguards para mapigilan ang unfair competition sa bahagi ng gobyerno.
Swerte lang tayo at sa ilalim ng EPIRA, ipinasantabi muna ang privatization ng Agus at Pulangi power complex sa Mindanao sa loob ng sampung taon. At ngayon, dahil ito ay pag-aari pa ng gobyerno, napaka-inam nitong maging pasimula sa pagsali muli ng goberyo sa power generation .
Nais kong maging starting assets sa muling pagpasok ng gobyerno sa power generation ang Agus at Pilangui.
Nanganganib kasi na mapasa-pribado ang Agus at Pulangui dahil umabot na sa 10 taong deferment period para sa pagsasa-pribado ng mga nabanggit na planta.
Ngayon, nasa desisyon ng Kongreso na payagan na ang pagsasa-pribado ng Agus at Pulangui.
Sa anumang panukala tungo sa pagsasa-pribado ng dalawang planta, ako ay hindi sasang-ayon.
Ngunit iisa lamang ang aking boto.
Kaya’t hinihikayat ko ang aking mga kababayan na magsagawa ng mga pagkilos laban sa pagsasa-pribado ng Agus at Pulangui, bilang bahagi na rin pagsusulong natin ng panukala tungo sa muling pagpasok ng gobyerno sa power generation industry.