Home Opinion Ang nagdadala ng regalo

Ang nagdadala ng regalo

796
0
SHARE

KUNG ENGLISH and homily na ito, magiging medyo masagwa ang dating ng title: THE CARRIER OF THE GIFT. Alam naman natin kung ano ang “connotation” ng salitang “CARRIER” sa panahong ito ng Covid 19 pandemic: ang nagdadala ng virus. Sa amin naman sa Pampanga, negative din ang meaning ng NAGDADALA—ibig sabihin may sayad, o may diperensya, o may bitbit na mga issues sa buhay.

Para sa ating 5th day ng Simbang Gabi, ang gusto ko sanang tutukan ng pansin na may kinalaman sa regalo ng misyon ay ang TAGAPAGDALA NG REGALO. Sa Gospel reading, ito ang magiging misyon ni Mama Mary.

Sa ating first reading, mga pari ang tagapagdala ng regalo ng lahat ng mga regalo para sa bayan ng Israel: ang simbolo ng kanilang relasyon sa Diyos bilang magkatipan (covenant). Ito ang dalawang tapyas ng bato kung saan nakasulat ang Sampung Utos ng Diyos. Nakalagay ang mga batong ito sa loob ng isang kahoy na baul na binalutan ng ginto at may dalawang dekorasyon na angels sa ibabaw. Ang tawag nila dito ay Ark of the Covenant (Kaban ng Tipan). Inilalagay nila ito sa loob ng isang tolda at kapag kailangang ilipat ay binibitbit ng mga pari.

Sa binasa kanina sa 2nd Book of Samuel Chapter 7, nakukunsensya daw si King David na ang bahay niya ay palasyo, habang ang sa Panginoon ay tolda lamang. Kaya kinunsulta niya ang adviser niya, ang propetang si Nathan, kung okey daw ba na ipagtayo niya ng isang mala-palasyong templo ang Panginoon? Isang bahay na bato na paglalagyan ng Ark of the Covenant?

Ang sagot ng propeta ay parang isang palaisipan. Kung isa-summarize natin, parang ganito ang sinasabi: “Talaga lang ha. Ipagtatayo mo ng bahay? Parang baligtad yata. Ako nga ang may balak na magtayo ng bahay para sa iyo, isang kaharian na magtatagal at mananatili magpakailanman.”

Diplomatic pang magsalita si propetang Nathan dito. Pero ang kanyang binitawang mga salita ay uulitin—mga 400 years later, matapos ang Babylonian exile. Iyun nga lang, mas diretso, mas prangka ang dating. Ganito ang orakulo, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Ang trono ko ay ang buong kalangitan at ang tungtungan ng mga paa ko ay ang buong daigdig. Anong klaseng bahay ang itatayo mo para sa akin? Saan mo ako gustong patirahin? E ginawa ko ang lahat ng bagay mula pa sa simula ng panahon!’” (Isa. 66:1-5)

Parang natupad ang orakulo ng propeta sa ating Gospel reading tungkol kay Maria. Ito rin ang magiging batayan ng isa sa mga titles na ibinibigay natin kay Mama Mary: ARK OF THE NEW COVENANT (Ang Kaban ng Bagong Tipan).

Ang piniling maging bahay ng Diyos ay hindi na isang mala-palasyong templo. Ang paglalagyan ng kanyang Salita ay hindi na dalawang tapyas ng bato na nakapaloob sa “ark of the covenant”. Sabi ng propeta, mas ikatutuwa ng Diyos ang manirahan siya sa puso ng tao, ang manatili ang kanyang Salita sa ating mga kalooban. Mas ibig niyang gawing templo ang tao, o ang kanyang bayan mismo.

Hindi lalagyán kundi buháy na tagapagdala ang gusto ng Diyos. Kaya sa ebanghelyo ang dalawang tagapagdala ay sina Angel Gabriel at Mama Mary. Si Gabriel ang tagapagdala ng regalo ng Mabuting Balita para kay Maria. At si Maria naman ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Siya ang magiging KABAN NG BAGONG TIPAN.

Sa loob ni Maria, mabubuo ang Bagong Tipan kay Kristo: ang Diyos at ang Tao ay magiging iisang persona kay Hesus. Ang sabi ng Anghel, “You will conceive in your womb and bear a son and you shall name him Jesus.” Kung Diyos na totoo at taong totoo ang pagkilala natin kay Kristo, siguro ang dapat na translation sa Tagalog, “Magdadalang-Diyos ka at magsisilang ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siyang Hesus.”

Kaya pala “THEOTOKOS” ang tawag kay Maria sa Eastern Christian tradition, na ang ibig sabihin sa Griyego ay “NAGDADALANG-DIYOS”. Si Meister Eckhart, isang paring Dominican ang minsan ay nagsabing ito daw ang misyon ng bawat Kristiyano: ang MAGDALANG-DIYOS sa mundo.

Aminin natin, hindi ang Diyos kundi tayo ang talagang nangangailangan ng bahay-sambahan, hindi siya. Tulad ngayon, dahil ang liit ng ating katedral, kakaunti lang ang nakakasimba. Iyung kalahati kahapon ay nagtiiis na nakapayong habang umuulan. Totoong bahay-dalanginan para sa atin ang mga simbahan. Pero, huwag tayong mag-iilusyon na ipagtatayo natin muli ng templo ang Diyos.

Sabi nga ng propeta, hindi niya kailangan ang mga ito. Sa Jeremiah 7:4-6, tinuligsa pa ng propeta ang klase ng pagsamba na ginagawa nga mga tao sa templo ng Jerusalem. Ang sabi niya, “Huwag ninyong ipagmalaki na itong bahay na ito ay templo ng Panginoon. Tandaan ninyo, hindi mananatili ang Diyos sa templong ito kung magpapatuloy kayo sa buktot ninyong gawain, sa pang-aapi sa mga dukha, sa pananamantala sa mga dayo, mga balo at ulila. Kapag hindi nahinto ang pagpatay at pagdanak ng dugo.”

Di ba sinabi rin ni St. Paul sa 1 Cor 3, 16-17, “Hindi nʼyo ba alam na KAYO AY TEMPLO NG DIYOS, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? Ang sinumang wawasak sa templo ng Diyos ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Diyos. At ang templong ito ay WALANG IBA KUNDI KAYO MISMO.” Sa John 2:19, nang itaboy ni Hesus ang mga nangungumersyo sa paligid ng templo, galit na sinabi ni Hesus: “Wasakin ninyo ang templong ito at itatayo kong muli sa loob ng tatlong araw.” At ang templong tinutukoy daw niya ay ang kanyang katawan.

At dahil kabahagi niya tayo, tayong lahat na kanyang mga alagad, dala natin siya. Misyon natin ang maging TAGAPAGDALA NG REGALO SA DAIGDIG, at ang regalong ito ay SI KRISTO MISMO.

(Homily for 4th Sunday of Advent, the 5th day of Simbang Gabi, 20 Dec 2020, Lk 1:26-38)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here