I
Ang pulitika sa ating bayan noon
ibang-iba na sa pulitika ngayon
dati, kandidato sa PAGKA-SENADOR
kundi abogado’y mga dating HUKOM
tulad ng yumaong si MIRIAM DEFENSOR
WIGBERTO TANADA, LORENZO SUMULONG
II
Dati ang lahat ng naging mambabatas
eksperto pagdating sa usaping batas
at dahil ang isip nila’y matatalas
nasisilip nila kung ano ang dapat
na baguhin at ang dapat na idagdag
sa mga batas na ipinapatupad
III
Hindi mandarambong sa kaban ng bayan
at naglilingkod ng buong katapatan
walang hinangad kung hindi kaunlaran
at matulungan ang mga mamamayan
ang pagkatao ay hindi nadungisan
sa panahong sila ang nanunungkulan
IV
Subalit ngayon ay iba na panahon
mga kandidato sa PAGKA-SENADOR
kung di ACTION STAR at MATINEE IDOL
ay dating militar at sikat na PASTOR
may boksingero ring nahalal na noon
at ang iba naman ay HOST ng TV SHOW
V
Ano ang nag-udyok sa mga artista
pasukin ang mundo nitong pulitika
pagkat ang senado’y di pang-pelikula
di rin pang ministrong paham sa BIBLIYA
ang usapin dito ay LEHISLATURA
rebisyon sa batas at pag-a-amyenda
VI
Di nga nakaranas na maging KAGAWAD
ang pinupuntirya SENADOR na agad
sa senado ano ang MAIAAMBAG
ng tulad nilang di MAALAM sa batas
sakaling sila ay maging mambabatas
ano ang gagawin nila sa UPPER HOUSE ?
VII
Bagaman tayo ay mayrong karapatan
gawin ang sarili nating kagustuhan
subalit depende sa’ting kakayahan
at sa lawak din ng mga karanasan
ang paglilingkod sa ating inang-bayan
sa karapat-dapat na lamang ilaan