NOONG AKO ay bata pa madalas kong naririnig
Mga awiting kaytimyas na harana ng pag-ibig,
Kaya’t aking pinangarap kapag ako ang umibig
Maghaharana rin ako sa babaing nilalangit.
Sa paglipas ng panahon ang harana ay nawala,
Di ko tuloy naharana ang dilag kong minumutya;
Nalimot na nang tuluyan at hindi ko na nagawa
Ang dapat kong maransan noong ako’y magbinata.
Naglaho ring unti-unti mga awit na kundiman
Na sonata ng pag-ibig sa magandang paraluman;
Sayaw nating katutubo kasunod ding namaalam
Ng tinikling, itik-itik at pandanggo sa ilawan.
Ganoon din ang zarzuela o ang dulang pangtanghalan
Na malimit ipalabas kapag mayrung kapistahan;
Pati na rin ang sagutan ng makatang mahuhusay,
Kasama ang Lakandiwa – kung tawagi’y Balagtasan.
Namamatay ang kultura nang dahil sa kaunlaran
At pati na ang tradisyong kakambal ng Inangbayan;
Ito ang siyang kaluluwa nitong bansang minamahal,
Dahil dito ay may wikang matagal nang kaulayaw.
Mga tula at awitin, kawikaan at alamat
Ay bahagi ng kulturang pinagyaman ni Balagtas,
Pamana ni Dr. Rizal at iba pang manunulat
Na marapat sariwain upang muling mapatingkad
Kapag di na nasilayan nitong bagong henerasyon
Ang tradisyon at kulturang binago na ng panahon,
Ganap itong maglalaho’t sa limot ay mababaon
At sa kanyang pagkalugmok ay mahirap nang ibangon.
Kaya habang di pa huli ay sinupin nating muli,
Sama-samang itaguyod ang pamana nitong lahi;
Simulan na natin ngayon ang ating pagpupunyagi.
Bilang mga mamamayan nitong liping kayumanggi.
Isa-isip nating lagi at sa puso ay igapos
Pagmamahal sa kultura at tradisyong bigay ng Diyos;
Dapat tayong magkaisa sa nais na ibantayog
Upang tayo’y kilalanin bilang bansang namumukod
Na may sariling kultura at tradisyon na minana
Sa ating mga ninuno pa man itong iba
Na dumaong sa pampangin natin ay may dala-dala
Silang katutubong arte pati na rin ng panlasa.
Subali’t hindi yumakap ang ating mga ninuno
Sa kakaibang kultura na sa kanila itinuro,
Kundi bagkus ang atin ang patuloy na pinalago
Hanggang sa ang mananakop kusang nilisan ang pulo.
Kaya nga lang dala na rin nitong mga makabagong
Teknolohiya at iba pang kamanghamanghang inbensyon,
Masahol pa sa pinatay n’yan ang kultura’t tradisyon
nating mga Pilipino na di dapat magkagayon
Epekto ng kaunlaran at mabilis na pagsulong
Ng lahat na itong tiyak na masahol pa sa lason
ang kikitil sa kultura at makulay na tradisyon
kapag di tayo gumawa r’yan ng karampatang aksyon.
Laban sa kung anong uri pa r’yan ng pagbabago
Na isinusulong nitong mga naturingan henyo,
Pero sa kabilang banda mas masahol pa sa bobo
Ang klase ng mentalidad sa DepEd ay pagpatakbo!
Vhelle V. Garcia
Abu Dhabi, U.A.E.
November 14, 2018