Home Opinion Ang magkaroon ng isang salita, dinadakila

Ang magkaroon ng
isang salita, dinadakila

740
0
SHARE

ANG ating Pangulo na aayaw-ayaw
sa udyok nitong sa kanya nanliligaw
na tumakbo bilang Vice ng anak niyang
si Sara, posibleng pagpapa-pogi lang.

Ganito rin naman ang naging pahayag
ni Digong kay ‘Nanay,’ at dinig ko lahat
ang pag-uusap n’yan, kasi nga’y kaharap
din ako pati ang Mayor ng Arayat.

Na di siya tatakbo sa pagka-Pangulo
sapagkat wala siyang pera diumano,
pero nagawa niyang humabol, nanalo
ngayon pa, ang di siya puedeng makatakbo?

Matapos ang mahigit limang taon niyang
paninilbihan sa ating Inangbayan,
na naging mahusay ang panunungkulan
ang hindi pupuedeng muling mahahalal?

Kaya di malayong yan din ang posibleng
mangyari, na kahit siya ang nagsabing
di na siya tatakbo, pero sumige rin
diyan napipintasan ang Pangulo natin.

Gaya na lamang ng mga pinangako
nito makaraang siya ay maupo,
ang ‘Endo,’ kabilang sa mga napako
niyang sa ‘labor sector’ naging bulang gugo!

Ang REV GOV, na ‘in line with Federalism’
na isa sa kanyang ipinangako ring
maipairal bago itong ‘final ending’
ng ‘terms of office’ niya di nabigyang pansin.

‘Moot and academic’ na’t wala ng silbi
ang anuman na di n’yan natupad pati,
kabilang na nga ang ‘Revolutionary
Government’ na di n’ya sineryoso kasi.

Kaya nga’t para siya ay paniwalan
natin, na di siya kakandidato riyan
bilang ‘vice’ ni Sara sa pampanguluhan,
na di siya tatakbo palipad hangin lan.

Di ko sinasabing sinungaling siya
kundi bagkus medyo mailap kumbaga
si Digong sa tunay na pinupuntiya
ng mga salitang binibitiwan niya.

Dahil palabiro, madalas di natin
masakyan agad ang mga sinasabing
may halo nga ng ‘jokes’ at mga pasaring
laban sa kung sinong gusto niyang sundutin.

Tatakbo o hindi sa 2022
ang may pagka-Dolphy na ating pangulo,
kung sarili niyang kagustuhan ito,
wala rin naman ding magagawa tayo.

Kundi ang atin ay pangatawan niya
ang sinabi nito sa harap ng Masa,
na kahit ang anak niyang si Mayor Sara
ay ayaw din nitong patakbuhin siya.

Upang sa gayon di siya mapintasan
na walang ika nga isang salita lang,
nang siya’y maging kapuri-puri sa tanan
at mga kapwa na may bitbit na dangal.

Lahat ay minsan lang sa magulong mundo
isinisilang ang sino pa mang tao,
kung naging matino ay ini-idolo
pero kapag hindi ang turing ay diyablo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here