Home Headlines Ang landas ng kaliitan

Ang landas ng kaliitan

544
0
SHARE

NIREGALO NI Magellan ang orihinal na Santo Niño de Cebu sa pamilya ni Rajah Humabon noong 1521. Tinambangan siya at pinatay ng mga kawal ni Lapu-lapu sa Mactan. Muling natuklasan ang imahen ng mga sundalo ni Legazpi noong 1565. Pumatay daw siya ng mahigit sa limandaang mamamayan ng Sugbu (Cebu) at nanunog ng mahigit limang libong kabahayan dahil ayaw daw magpasakop sa kanya ng mga katutubo. Gusto ba ito ng Santo Niño?!!

Isang sundalo daw ang nakatuklas ng imahen matapos ang paglusob. Natagpuan daw ang isang baul sa isa sa mga bahay na sinunog, naroon sa loob ang imahen ng Santo Niño! Nang makita raw ito ni Legazpi naghahagulgol daw siya. Tinuring daw niyang isang palatandaan ito. Palatandaan ng ano?

Iba ang interpretasyon ko sa hagulgol ni Legazpi. Palagay ko ang mensaheng nakuha niya sa maliit na imahen ng Santo Niño ay: “Hoy, Señor Legazpi, hindi porke’t malaki ka ay may karapatan kang apihin ang mga maliliit. Kung gusto mong magtagumpay, huwag kang maging marahas. Makipag-usap ka, magpakumbaba ka, huwag magmamalaki.” (Siyempre, interpretasyon ko lang naman iyon. Iba ang interpretasyon ng kanyang mga chroniclers.)

Kapag piyesta ng Santo Niño, binabasbasan natin ang mga bata. Ibig bang sabihin nito na ang Santo Niño ay para lang sa mga bata? Oo. Pero higit sa lahat, ito’y para sa matatanda rin, lalo na iyong mga nawawalan na ng pagkabata. Ito’y tungkol sa ating lahat, dahil lahat tayo ay “tumatanda”. 

Ang katawan ng tao kapag nagkakaedad ay unti-unting nanghihina sa ayaw natin at sa gusto, nagkakasakit, hanggang sa mamatay. Kapag sumabay ang kaluluwa sa pagtanda ng katawan, sasabay din ito sa pagkamatay ng katawan. Puwede bang hindi? Oo naman; ito nga ang isa sa mga misteryong ating pinanghahawakan bilang mga Kristiyano. Tayong naniniwala na nabubuhay tayo sa katawan ng muling nabuhay na Kristo na hindi tumatanda.

Ang landas ng pagiging alagad ni Kristo ay landas ng ispiritwal na pagkabata; ang pagpapanatili sa pagkabata ng kaluluwa habang tumatanda ang katawan. Naniniwala tayo na habang tumatanda ang katawan natin, dapat unti-unting bumabata ang kaluluwa, upang ang ating pisikal na pagkamatay ay maging okasyon ng ating ispiritwal na pagsilang. Ito ang tinutukoy sa atin ng ikalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso na isa sa mga “biyayang ispiritwal” na kaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ni Hesukristong Anak niya — na tayo ay mahirang na maging banal at musmos sa kanyang paningin. 

Isang malalim na palaisipan at landas ng kabanalan ang Santo Niño. Isang debosyon na pinaunlad ng mga Carmelites at pinalaganap bilang isang ispiritwalidad ni Santa Teresita ng Lisieux, kaya siya tinatawag na “Santa Teresita ng Niño Hesus.” Isa sa mga inspirasyon nito ay ang huling bahagi ng ating narinig na ebanghelyo ngayon, Mat 18:3 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios.

Ibig sabihin, ang kaharian ng Diyos ay hindi maaaring manahin ng kaluluwang hinayaang “tumanda”; ito ay para lamang sa mga yumayakap sa landas ng ispiritwal na pagkabata. 

Palaisipan ito. Sa Santo Niño, ibig ng simbahan na ating maaninag ang larawan ng ating kaluluwa. Larawan ng ating mismong sarili, bilang kabahagi ni Kristo. Kapag tayo’y sumunod kay Hesus, susunod din tayo sa kanyang landas, ang tinutukoy ni Santa Teresita na “landas ng kaliitan.” Ang landas na ito ang nagpapabata sa kaluluwa habang tumatanda ang katawan. 

Kailan mo alam na tumatanda na ang tao, hindi lang sa katawan kundi pati na rin sa kaluluwa? Kapag natututo na tayong magtanim ng galit, mainggit, at makipagpaligsahan katulad ng maraming nakatatanda. Kapag istorbo na ang tingin natin sa mga bata. Kailan ba natin tinatawag na “pangmatanda lamang” ang mga ginagawa natin? Kailan natin sinasabing “hindi kasali ang mga bata” sa gagawin natin? Anong mga gawain ang “for adults only?” Lahat ng may kinalaman sa kalaswaan, karahasan, kalupitan, atbp. Kailan tayo biglang nagiging maamo at bumubuti ang asal? Kapag tayo’y nasa piling ng mga bata!

Minsan tinanong ako ng isang matandang biyudo: Father, dalawang beses po akong nag-asawa at dalawang beses din nabiyudo. Pagkamatay ko, sino sa dalawang naging asawa ko ang magiging asawa ko? Hindi kaya sila mag-away at magsabunutan sa langit? Nakakatawa ang ganyang klaseng tanong, pero aminin natin, sumasagi din sa ating isipan ang ganyan. Ano ang magiging itsura natin sa langit? Ang sabi ko sa matanda, wala naman pong matanda sa langit. Dahil ang langit ay nagpapabata, ang lahat ng papasok dito ay magiging mga mistulang “bata.” Kung magkikita kayo nga mga napangasawa ninyo sa langit, hindi ninyo sila makikita bilang asawa, kundi bilang kapwa bata; magiging mga musmos tayong lahat sa piling ng Diyos.

Ang “Santo Niño” ay “landas ng kaliitan.” Bukod tanging ang mga marunong magpakumbaba sa harap ng Diyos ang tatanggap ng kanyang awa at patawad. Ang marunong magpakumbaba ay mas madaling makaunawa sa mga nasa mababang kalagayan. Ang tumatanggap ng kanyang kaliitan sa harapan ng Diyos ay mas madaling makaunawa at magmalasakit sa mga “maliliit” sa lipunan. Ang mga nagmamalaki, ang mga masyadong malaki ang pagtingin sa sarili ang natututong yumapak at mang-alipusta sa mga maliliit. Ang marunong magpakumbaba ay hindi pagkatakot at paglayo ang mararamdaman sa piling ng Diyos. Tulad ng bata, lulundag siya na walang takot sa kamay ng tatay nya, dahil alam nyang sasaluhin siya Nito. 

Viva Santo Niño!

(Homiliya para sa Pistang Santo Niño, 15 Enero 2023, Mt 18:1-5,10)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here