NAKAKABAHALA ANG mga pahayag na narinig natin nitong mga nakaraang araw. Nandiyan ang walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilan sa atin. Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. Yan ay aking papalagan.
Ako, bilang pinuno ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ating mga batas. Kaya hindi tama ang pagpigil ng mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan. Hindi na sana hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lang sana ang mga lehitimong katanungan sa Senado at House of Representatives.
Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang.
Sa kabila ng mga pambabatikos, nakatuon ang aking pansin sa pamamahala. Ngunit hindi natin iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan. Kaya hindi ko hahayaang magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika. Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino.
President Ferdinand R. Marcos Jr., 25 Nov. 2024