Ang kalabaw

    3912
    0
    SHARE

    Iyang kalabaw ay isang uri ng hayop na noon pa man ay mahalaga na ang papel na ginagampanan sa buhay ng mga Filipino. Ito ang matiyagang katuwang ng mga  magsasaka sa mga gawaing agrikultural lalo na sa produksyon ng palay na siya namang pangunahing pagkain ng mamamayan.

    Ang hayop na ito ay mahalaga rin sa buhay at kabuhayan ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Katunayan, mayroon din kalabaw sa Estados Unidos (sa Florida), sa Albanya, Greece, Yugoslavia, Italia, Bulgaria, Europa, Ehipto, Madagascar, Mozambique, Tanzania, Uganda, Congo, Zaire, Africa, Mehico, Cuba, Ecuador, Paraguay, Uruguay, Venezuela, Trinidad, Brazil, Colombia, Surinam, Honduras, Costa Rica, Bolivia, Latin Amerika, at siyempre pa sa iba’t ibang bansa sa Asya.

    Sa mundo, kilala ang kalabaw sa tawag na water buffalo o swamp buffalo. Dito lang sa atin sa Pilipinas na tinatawag itong “carabao” at isinalin nga sa tawag sa Tagalog na kalabaw.

    Tinatayang aabot sa mahigit na 150 milyon ang water buffalo sa buong mundo. Sa bilang na ito, mahigit na 96 por ciento ay nasa Asya.  Sa Pilipinas, umaabot sa  tatlong milyon ang bilang ng kalabaw.

    Batay sa mga pananaliksik, mayroon nang kalabaw sa bansa noon pa mang unang panahon nguni’t sila ay maiilap at mababangis. May ulat na nagsasabi na upang magkaroon ng mapakikinabangang kalabaw sa Pilipinas – bilang pantrabaho sa bukid at iyong mga babae ay mapagkunan ng gatas – ay umangkat ang bansa ng mga kalabaw sa China noon pa mang ika-15 siglo. Ang mga Tagalog at mga Kapampangan ang siyang sinasabing may pinakamaraming kalabaw noon na inaalagaan at pinakikinabangan.

    Nguni’t nangyari na sa kabila ng kabutihang dulot ng kalabaw, ay napabayaan ang lahi nito. Sa kamay ng mga magsasaka, naging kaugalian noon na kapunin ang mga malalaki at magagandang lalaking kalabaw. Kaya dumating ang isang panahong ang paglalahi ng kalabaw ay ginampanan ng mahihinang klaseng lalaking kalabaw. Lumiit ang uri ng kalabaw sa Pilipinas at karamihan sa kanila ay naging mahina bilang pantrabaho. Kakaunti rin ang nakukuhang gatas sa mga ginawang gatasang kalabaw. Umabot na lamang sa karaniwang timbang na 350 ang kalabaw at ang nakukuhang gatas ay isa hanggang dalawang litro lamang isang araw.

    Marami nga ang nag-akala noon na tuluyan nang mapababayaan ang kalabaw. Lalo pa nga’t dumating iyong panahong pinasigla ang paggamit ng makina sa paggawa sa bukid na parang sinasabing palitan na ang kalabaw ng makina dahil mas mahusay na pantrabaho sa bukid ang makina kaysa sa kalabaw.



    Pero hindi tuluyang napabayaan ang kalabaw. Noong 1976 ay napasimulan ang pananaliksik sa “carabeef” sa ilalim ng Philippine Council for Agriculture and Resources Research. Noon namang 1980, itinindig ang “Strengthening of the Philippine Carabao Research and Development Center” na ang pangunahing tungkulin ay gawan ng kaukulang pananaliksik at pagpapaunlad ang kalabaw.

    Nangyari nga na napasimulan ang “artificial insemination” sa kalabaw na ang semilya ay mula sa magagandang lalaking kalabaw na karamihan ay inangkat sa ibang bansa. Ang Pilipinas ang bansa sa South East Asia na siyang nagpasimula ng malawakang “artificial insemination” sa kalabaw.

    Noong 1989, inihain ng noo’y Senador Joseph Estrada ang isang panukalang batas na may pamagat na “An Act Creating the Philippine Carabao Center to Propagate and Promote the Philippine Carabao and for Other Purposes”. Noong 1992 ay nasaisa-batas ang “Philippine Carabao Act” o Republic Act 7307. Ang national headquarters nito ay itinindig sa bakuran ng Central Luzon State University sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

    Mula noon hanggang ngayon, ang executive director nito ay si Dr. Libertado Cruz na isang respetadong propesor sa Central Luzon State University (CLSU).

    Sa ngayon, may 13 sentro ang PCC sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang mga ito ang siyang matiyagang nagpapalaganap ng mga kaalaman at gawain sa pagpapalahi ng kalabaw.



    Marami nang kaganapan sa pananaliksik at pagpapaunlad ng kalabaw. Marami ng “crossbred carabaos” ngayon na ang timbang ay umaabot na sa 600 kilogramo o higit pa. Ang mga gatasang kalabaw na “crossbred” ay nakapagbibigay na ng mahigit sa anim na litrong gatas sa isang araw at kapag nagpatuloy pa ang taas ng antas ng kanilang lahi ay posibleng umabot pa sa mahigit na sampung litro isang araw ang makukuha. Higit na ring malalakas ngayon ang mga kalabaw na crossbred.

    Mayroon na ring mga kooperatiba at pederasyon ng kooperatiba ang mga may-ari ng gatasang kalabaw. Kabilang sa kanilang pinagkakakitaan ay sariwang gatas, pastilyas, keso, lacto juice at iba pa. Ang PCC ay nakagagawa na rin ngayon ng mataas na uring mozzarella cheese.

    Kumikita ang mga may-ari ng gatasang kalabaw. Sa halagang P35 isang litrong gatas, malaki-laki na ring halaga ang naipapanhik ng gatasang kalabaw na nagbibigay ng apat hanggang anim na litro ng gatas sa isang araw.

    Sabi ni Dr. Cruz, sadyang malaki ang “market” ng gatas ng kalabaw. Ito kasi ay sa dahilang ang Pilipinas ay umaangkat ng hindi kukulangin sa US$650 milyon  (P33 bilyon) halaga ng gatas at mga produkto ng gatas sa ibang bansa.

    Bukod dito, kapag nagigipit, madaling ibenta ang kalabaw sa malaking halaga. Marami na ring nagkakagusto ngayon ng karne ng kalabaw. Puede ring iyong balat at sungay ng kinatay na kalabaw ay pagkakitaan sa iba’t ibang paraan.


    Ang punto natin ngayon ay kung bakit hindi samantalahin ng mga may-ari ng kalabaw na native na babae na pagsikapang pagandahin ang lahi ng kanilang kalabaw. Naririyan lang sa tabi natin ang PCC. Puede nating hingin ang kanilang tulong sa pagpapaganda ng lahi ng kalabaw. Sa mga may-kaya naman, puede rin tayong maglagay ng isang rantso ng “improved breed of carabao”.

    Alam ba ninyo na mayroon na ngayong isang bayan sa Isabela na nagsisikap na gawing “crossbred carabao capital of the Philippines” ang kanilang bayan? Mahigit nang isang libo ang kanilang pinagandang lahi ng kalabaw. Malayo ang bayan na iyon sa PCC kung ihahambing sa atin-ating lugar.

    Kung nagawa nilang magparami ng mahuhusay na lahing kalabaw, bakit hindi natin magawa sa atin-ating lugar?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here