Home Opinion Ang Diyos na Bata: Pista ng Santo Niño

Ang Diyos na Bata: Pista ng Santo Niño

123
0
SHARE

AKALA NG marami ang pista ng Santo Niño ay ipinagdiriwang din ng lahat ng Katoliko sa mundo kapag ikatlong Linggo ng Taon. Hindi po. Sa atin lang ito; pinayagan ng CBCP na maging parte ng kalendaryo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas dahil sa malakas na popular devotion sa Santo Niño. Siyempre sa mga bansa na may maraming migranteng Pilipino, nakapasok na rin ito, pero hindi pa rin tulad sa atin na ipinagdiriwang na opisyal at pambansa.

Ibinabalik tayo ng pistang ito sa pinaka-pinagmulan ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong Pilipino. Bago pa natin kasi nakilala si Hesus bilang guro, propeta, o Nazarenong ipinako sa krus, una natin siyang nakilala bilang isang bata. Ang kauna-unahang imahen ni Kristo na ipinakilala sa ating mga ninuno ay hindi ang Hesus na nangangaral o humahamon sa mga makapangyarihan, kundi ang Batang Hesus, ang Santo Niñong iniregalo ni Magellan sa reynang asawa ni Haring Humabon sa Cebu.

Hindi ito aksidente ng kasaysayan. May sinasabi ito tungkol sa kung paano nais ipakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa ating mga Pilipino.

Narinig natin ang propetang Isaias sa ating unang pagbasa: “Ang bayang naglalakad sa dilim ay nakakita ng malaking liwanag… Sapagkat isinilang para sa atin ang isang bata, ibinigay sa atin ang isang anak.” Ano ang sinasabi ng orakulong ito? Darating daw sa atin ang Diyos na makapangyarihan hindi bilang mandirigma kundi sa anyo ng isang bata. Hindi daw siya mamumuno sa pamamagitan ng lakas at dahas kundi sa anyo ng kaliitan at kahinaan. Ang tinatawag niyang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay isang sanggol.

Ganyan ang Diyos na sinasamba natin sa Santo Niño—isang Diyos na hindi nananakot, kundi nagpapakumbaba; isang Diyos na hindi nangingibabaw, kundi nagpapalambot ng puso. Hindi ba parang natutunaw ang puso ng isang matanda kapag nginitian siya ng batang kalong ng isang nanay na nasa unahan niya?

Sa Ebanghelyo, nagtatalo daw ang mga alagad kung sino ba sa kanila ang pinakadakila. Isang tipikal na bagay na pinagkakaabalahan ng mga malalaking tao ang kadakilaan. Pero ang bigay na sagot ni Hesus ay hindi paliwanag. Sa halip kumuha siya ng isang bata, inilagay ito sa gitna nila, at sinabi: “Maliban kung kayo’y magbagong-loob at maging tulad ng mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.”

Ang tanong nila ay tungkol sa pagiging dakila. Ang sagot ni Hesus ay pagbabago ng puso.

Ang pagiging alagad daw ay hindi tungkol sa pagpapakadalubhasa o pagdami ng kaalaman habang tumatanda, kundi ang unti-unting pagiging bata sa puso at diwa—batang marunong magtiwala, marunong magpakumbaba, marunong umasa sa Diyos.

Marami nang mga batikang propesor ang nagsabi na ang debosyon sa Santo Niño ay nagpapanatiling parang mga musmos sa Pilipinong mananampalataya. Pero baka ang problema ay humihinto sila sa unang tingin. Totoo namang ang pag-unlad sa pananampalataya ay dumadaan sa pagtatanong, sa pagiging mapanuri, sa paghahagilap ng sagot sa maraming tanong sa buhay. Pero hindi natatapos doon. Ang tunay na hinog na pananampalataya ay natututong bumalik sa kababaang-loob, hindi bilang kahinaan kundi bilang kalayaan.

Ito ang tinawag ni Santa Teresita na “little way”—o landas ng kaliitan o daan ng espiritwal na pagkabata. Hindi naman ito tungkol sa pagiging mangmang o isip-bata kundi sa pagiging mapagpakumbaba. Katulad ng batang marunong magtiwala kahit itapon pa siya sa hangin, dahil alam niyang sasaluhin siya. Humahalakhak pa habang nahuhulog sa kamay ng tatay niya.

Kaya siguro malalim ang ugat ng debosyon sa Santo Niño sa ating kulturang Pilipino. Tinatanggap natin ang mga bata bilang biyaya, hindi bilang pabigat. Hindi natin itinuturing na “isa na namang bibig na pakakainin,” kundi regalo ng Diyos—kahit may kaakibat na malaking sakripisyo.

Alam nyo ba na may mga siyudad sa mundo na may tradisyon ng paghalal ng batang mayor o alkalde kahit isang linggo lamang? Parang biro-biro pero nagsisilbing paalala na ang pamumuno ay hindi para sa sariling kapangyarihan kundi para sa kinabukasan ng mga bata.

Isa daw sa palatandaan na nagiging tunay na makatao ang isang lipunan ay kapag inuuna nito ang kapakanan ng mga bata at mahihina. Kaya sa mga ebanghelyo may mga okasyon na nagpahayag ng galit si Hesus kapag inaabuso o inaapi ang mga bata. At kaya rin malinaw: ang Simbahang nagtataboy sa mga bata ay walang kinabukasan.

Tuwang tuwa ako nang makatanggap ako noong nakaraang Pasko ng Kapampangan translation ng paborito kong librong The Little Prince. Maraming aral doon na pahaging sa mga matatanda na masyado nang naging abala sa maraming bagay tulad ng pagpapakayaman, pagpapasikat, pagpapadami ng ari-arian, pagmamadali, pero nakakalimot na sa mga bagay na totoong mahalaga. Sabi ng munting prinsipe, “Ang tunay na mahalaga ay hindi nakikita ng mata.” Hindi ba’t iyan din ang itinuturo ng Santo Niño? Larawan ng isang Diyos na nagpakaliit-liit, pwede nating buhatin sa kamay, pero nananatiling dakila sa kaliitan lubhang kayang buhatin ang buong mundo sa isang kamay?

Sa ikalawang pagbasa, pinaalalahanan tayo ni San Pablo na tayo ay pinili, inampon, at pinagpala ng Diyos kay Kristo—hindi dahil tayo’y malakas o magaling, kundi dahil mahal niya tayo. Bago pa tayo maging mga achievers, anak na ang turing sa atin. Bago pa tayo matutong magsumikap na maging kapaki-pakinabang, minahal na niya tayo.

Sa Sinulog ng mga Cebuano Pit Señor! ang sigaw. Siguro pwede ring sumugaw ng Peace, Señor. Kapayapaan, Panginoon! Kapayapaan na hindi bunga ng pagyayabang, kundi ng pagpapakumbaba. Kapayapaang natatamo hindi sa pamamagitan ng palakasan, kundi sa malasakit sa mga dehado at maliliit—sa mga bata, sa mahihina, sa mga walang kalaban-laban.

Kung gusto natin ng kapayapaan para sa ating mga pamilya, para sa Simbahan, at sa ating bayan, kailangan matutunan nating muli ang landas ng kaliitan ni Santa Teresa, landas na natutunan niya sa Panginoon.

Ang Santo Niño ay hindi pagtakas sa ating mga pananagutan. Siya ay paanyaya ng Diyos para tayo ay magbalik-loob. Paanyayang bitawan ang kayabangan, iwaksi ang kalupitan, para makitang muli kung sino ba tayo talaga sa mata ng Diyos—mga anak niya: mapagkumbaba, marunong magtiwala, may malasakit, at may lakas ng loob na magmahal.

Ito ang dahilan kung bakit mahal natin ang Santo Niño. Ito ang dahilan kung bakit siya nananatili sa puso ng pananampalatayang Pilipino.

Ipinakita na sa atin ng Diyos ang daan—ang landas ng pagkabata.

(18 Enero 2026, Isaias 9:1–6; Efeso 1:3–18; Mateo 18:1–10)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here