Tunay na nakakalungkot na nagagamit ang isang batas para pagtakpan ang katotohanan.
Tiyak kong alam nating lahat na ang batas ay ginagawa upang maging instrumento upang ituwid ang baluktot, itama ang mali, at iwaksi ang tiwali.
Kapag ito’y nagiging sandata upang maitago ang dapat nating malaman mula sa isang pampublikong opisyal na nararapat lamang na may pananagutan sa taumbayan, tila may hindi na magandang nangyayari.
Ang Foreign Currency Deposit Act of 1974 ay isang batas na naipatupad noong panahon na ang katotohanan at pananagutan ay mga salitang walang katuturan. 1974— panahon ng Batas Militar.
Samakatuwid, madaling sabihin na ang batas na ito ay nariyan upang protektahan si Marcos at ang kanyang mga crony, at mas madali pang sabihin na nagawa talaga nito ang layuning ito. Sa panahon ngayon, buhay na buhay pa rin ang pagtatanggol sa tiwali ng batas na ito.
Nakakapanlumo nga na ang mga batas sa Switzerland, isang paboritong pagtaguan ng nakaw na yaman, ay mas maluwag pa upang magbigay-daan sa katarungan at katotohanan.
Oo, nariyan pa rin ang batas na ‘yan at nararapat lamang na hindi natin ito labagin. Subalit, mas hindi naman maaari na ito ay magamit upang makapagpalusot sa isang pagkakasala.
Maling sabihin na dahil may ipinagbabawal ang isang batas, wala nang maaaring maging kataliwasan dito.
Makikita natin ito sa isang desisyon ng Korte Suprema noong ika-21 ng Agosto 1997 (G.R. No. 94723, Karen E. Salvacion, et al. vs. Central Bank of the Philippines, China Banking Corporation, at Greg Bartelli). Pumayag ang Korte noon na buksan ang foreign currency deposit ng isang akusado sa kaso.
Sa kasalukuyan naman, nagagamit ang batas na ito upang mailayo ang katotohanan tungkol sa kanyang kayamanan mula sa mga mamamayan, ang mga dapat niyang pinaglilingkuran.
Kapag hindi natin makita nang buong-buo ang mga numero pag dating sa kanyang mga ari-arian at salapi, hindi natin makikita ang buong-buong katotohanan.
Ayon na nga rin sa batas na ginagamit niyang pananggalang, maaaring kusang loob na ilabas ng isang tao ang kanyang foreign currency account. Ngayon, tingin ba natin gagawin ito ni G. Corona?
Sa palagay ba nating kusang loob niyang ilalabas ang katotohanan? Sabi ng depensa “in due time” ilalabas nila ang dollar accounts ng Punong Mahistrado. Kailan kaya ang “due time” na ito kung hindi ngayon?
Mga kabalen, hindi tayo titigil hanggang makuha natin ang katotohanan at katarungan.
Si G. Corona ay pampublikong opisyal. Nararapat lamang na maging tapat siya sa kanyang sinumpaang tungkulin na maglingkod na may pananagutan.