Home Opinion Anak ng Ama: Sino ba talaga?  

Anak ng Ama: Sino ba talaga?  

1643
0
SHARE

ANAK NG Ama. Mula sa Pampanga. Alay sa Masa.

Ito ang bansag sa sarili ng kandidato sa pagka-gobernador na si Danilo “Boy” Baylon, naging punongbayan ng Candaba sa isang termino, nakilala sa mga manok na ipinamamahagi hindi lamang sa kanyang bayan kundi sa buong lalawigan.

Higit na kumintal sa kaisipan ng balana ang kanyang iwing pagka-makadiyos, sa kanyang mabuting pangangaral katuwang ang kanyang maybahay na si Apo Aniway na kandidato naman sa pagka-punong bayan ng Candaba.

Dios. Dignidad, Disiplina. Ana nga ng kaniyang bansag na kawikaan. At ayon na rin sa kanya, “atas ng Paginoon” ang kaniyang pagtakbo sa pagkagubernador.

“Ang wika ng Ama, sa araw daw na mag-file kami ng COC ng aking asawa, panalo na raw ang maraming taong naghihirap sa buong Pampanga, maging sila man ay nasa kabilang panig pa!” aniya sa kanyang Facebook page.

“Kaya anuman ang aming maranasang paghadlang, hirap, paninira at pananakot… ang lahat ng ito ay hinahandog namin sa mga tao at higit sa lahat…Sa Dios!!!,” dagdag pa ni Baylon.

At ito na nga ang nangyari: Inihagkis sa kanya, “Bulaang propeta,” sigaw na kumalat hanggang mamaos sa social media. Pinag-iingat ang mga manghahalal na Kapampangan na huwag maging hangal at maniwala na lamang sa mga “nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.” Mula Mateo 7:15-16, mismo.

Lalo pa ngang tumimo sa kaisipan ng balana ang babala laban sa mga mababangis na lobong nagdadamit tupa sa mga naging pangyayari sa Amerika kung saan inihabla ang isa pang nagpahayag ng sarili na “hinirang na anak ng Diyos” – si Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every name at mismong espirituwal na tagapayo ni Pangulong Rodrigo Duterte – sa patong-patong na mga kaso ng “sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion, marriage fraud, money laundering, cash smuggling and visa fraud.”

Lubha mang napakalayo ni Baylon kay Quiboloy, sa isip ng marami ay hindi pa rin ito ganap na maihiwalay sa kapahayagang “bulaan,” bunga na rin ng kanilang eksklusibong kapatiran bilang mga bugtong na “Anak ng Ama/Diyos.”

Hindi. Hindi ko sinasabi, lalo’t hindi naniniwalang bulaan si Baylon. Ang pagsama sa kanya ni dating Gubernador Reberendo Ed Panlilio, ang talunan sa pagka-gobernador na dating alkalde ng Bacolor Jomar Hizon, dating alkalde ng Masantol Peter Flores, dati at muling bumabalik sa pagka-mayor ng Floridablanca Eddie Guerrero, at higit sa lahat dating Candaba Mayor Kuyang Jerry Pelayo ay sapat na para sa akin na hindi maitatatwang katibayan na hindi palsipikadong mangangaral si Baylon.

Ang maikling sanaysay na ito ay hindi pakikisali sa madaliang paghusga sa kapwa. Ayon na nga sa Mateo 7:1-2 – “Huwag kayong hahatol upang hindi kayo hatulan.

Ito ay sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. Sa sukat na inyong ipinanukat ay isusukat sa inyo.”

Ang alalahanin ko lamang ay ang pagbansag ni Baylon sa sarili bilang “Anak ng Ama” at ang pinagkakahulugan nitong siya ay “sugo” ng Panginoon sa pagtakbo niya sa pagkagubernador – upang akuin mula sa kadiliman (?) ang lalawigan Kapampangan.

Tiyak naman na aral si Baylon sa Banal na Aklat gaya ng mga ipinahihiwatig sa nakita kong bidyo ng kanyang pangangaral. Ang hindi ko matanto ay ito: Nabasa kaya niya sa kanyang sipi ng Bibliya kung sino ang tuwirang tinukoy – sa mismong pangalan nito – na “Anak ng Ama”?

Basa:

At noo’y sila’y may isang bilanggong pusakal na tinatawag na Barabbas. Mateo 27:16

At mayroong isa na kung tawagin ay Barabbas, na nakapiit kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik. Markos 15:7 

Datapuwa’t silang lahat ay nagsisigawang paminsan, na nangagsabi, ‘Alisin mo ang taong ito, at pawalan mo sa amin si Barabbas.’ Lukas 23:18 

Sila nga’y nagsigawang muli, na nangagsasabi: ‘Huwag ang taong ito, kundi si Barabbas.’ Si Barabbas nga’y isang tulisanJuan 18:40

Datapuwa’t inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito, at inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao. Gawa ng mga Apostoles 3:14

Ang ipinagpalit ng mga Hudyo kay Kristo — si Barabbas, mula salitang Aramaic na Bar Abba na ang tuwirang salin sa Ingles ay “Son of the Father” at sa Tagalog nama’y “Anak ng Ama.”

Ang akin lamang katanungan: Magmimistulang mga Hudyo ba ang mga Kapampangan sa araw ng halalan at pipillin ang nagtanyag sa kaniyang sarili bilang si Barabbas?

Maghunus-dili naman tayo.

(Mga larawan mula sa Facebook)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here