LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang kinumisyon ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang bagong amphibian vehicle at karagdagang tatlong rescue speed boats.
Ipinundar ng pamahalaang panlalawigan ang naturang mga bagong rescue vehicles sa direktiba ni Gobernador Daniel Fernando matapos ang paghagupit ng bagyong ‘Carina’ noong Hulyo 2024.
Ayon sa gobernador, naging malaking hamon noong mga panahong iyon ang pagsasagawa ng mga rescue at relief operations dahil hindi makapasok ang malalaking trak sa sobrang taas ng tubig-baha.
Kaya naman naging prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagpupundar nito sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Resolution No. 31.
Pangunahing nilalaman nito ang paglaan ng P39.7 milyon na Local Disaster Risk Reduction and Management Fund ng Kapitolyo.
Sa loob ng nasabing halaga, P6 milyon ang para sa pagbili ng penetrator amphibious vehicle at P25 milyon para sa coastal/swift water amphibious vehicle.
Naglaan naman ng P6.5 milyon para sa karagdagang fire truck, P1.5 milyon para sa drone equipment, at P583 libo para sa iba pang kasangkapan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)