CABANATUAN CITY – "Walang mababawas sa pagmamahal ko sa kanya," saad ni Rachella Anne Batumbacal, 20, residente ng Barangay Bangad dito.
Si Rachella Anne ay nagsilang ng panganay nila ni Reylando noong Lunes sa Eduardo L. Joson Memorial Hospital (ELJMH) sa lungsod na ito ngunit may taglay itong kapansanan.
Walang mga kamay at magkakadikit ang ilang daliri sa kanang paa ng kanyang panganay.
Inamin ni Rachelle Anne na bahagya siyang nalungkot nang mabatid ang kalagayan ng kanyang anak. "Pagod na pagod po ako nang oras na yun (sa panganganak) nang sabihin ng mister ko na may diprensiya ang aming anak," kuwento nito.
Ang kanyang kabiyak na si Reylando ay wala sa ospital sa oras ng panayam, dahil inaayos niya ang sariling birth certificate upang ituloy na ang kanilang pagpapakasal.
Inamin ng babae na ipinagbubuntis pa lamang niya ang kanyang panganay ay buo na ang kanyang pangarap na sa gitna ng kahirapan ay itaguyod ang pag-aaral nito upang maging ganap na abogado o isang matagumpay na atleta.
"Mahilig din po kasi ako sa sports," sabi niya.
Naniniwala si Rachella Anne na may kinalaman ang kanyang paglilihi sa naging anyo ng kanyang anak. Nagtrabaho ang kanyang kabiyak sa isang babuyan sa Pampanga at doon ay wiling-wili siya umano na kinakandong ang ilang biik.
Posible aniyang ito ang dahilan kung bakit bukod sa kawalan ng mga braso at kamay ay may mga pulang balat sa noo ang sanggol.
Naalala din niya, dagdag ni Rachelle Anne, na gumamit siya ng anti-biotics para sa kanyang urinary tract infection habang nasa ika-8 buwan ng kanyang pagbubuntis.
Ngunit ayon kay Dr. Melchor Sarangaya, chief of clinics ng ELJMH, walang kinalaman ang paglilihi sa posibleang maging anyo o kalagayan ng sanggol. Wala aniyang epekto ang kinagigiliwan o labis na pagkagusto sa isang uri ng pagkain ng nagbubuntis na ina sa pisikal na anyo ng isisilang na sanggol.
"Mas madalas dito ay chemical exposure," sabi ni Sarangaya.
Sinabi ng mangggagamot na mahirap talagang tukuyin ang tunay na sanhi.
Samantala, sinabi ni Sarangaya na sisikapin ng pagamutan na matulungan ang pamilya ng sanggol. Ang Aktobio, ayon kay Sarangaya, ang samahan ng mga taong may kapansanan, at isa ito sa maaaring magbigay ng tulong.