Alvarado wala pang malinaw na plano sa hinakot na marble

    319
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan—Kung sakaling hindi matubos ng sinumang may-ari ang mga bloke ng tea rose marble na hinakot ng kapitolyo, ano ang planong gawin sa mga ito?

    Ito ang katanungang inihanap ng kasagutan ng mamamahayag na ito matapos iprisinta ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) ang mga nasabing bloke noong Huwebes sa bakuran ng Provincial Engineering Office (PEO).

     Ayon kay Abogado Teddy De Belen, hepe ng ENRO ng kapitolyo, idadaan nila ito sa proseso.

    Ito ay nangangahulugan na magbibigay sila ng ilang araw na palugit upang bigyang pagkakataon ang mga may ari ng mga nasabing bloke na angkinin iyon.

    Subalit hindi magiging madali ang pag-aangkin sa mga bloke ng tea rose, ang isa sa pinakamahal na uri ng marmol.

    Ayon kay De Belen, kailangang magpakita ng ebidensya o mga dokumento ang sinumang mag-aangkin na ang mga bloke ay pag-aari nila.

    Kung sakali namang walang makapag-angkin sa mga bloke, ito ay aariin na ng kapitolyo.

    Ngunit ang tanong, ano ang gagawin ng kapitolyo sa nasabing bloke?  Ito ay ipoproseso nila at ibebenta rin?

     ”Posible,” ani De Belen, ngunit may iba pa siyang binanggit na posibilidad.

    Plano daw ni Gob. Wilhelmino Alvarado na gawing showcase ito sa harap ng kapitolyo upang ipakita sa sambayanang Bulakenyo kung gaano kayaman sa likas na yaman ang Bulacan.

    Ito ay dahil sa ilang taon ng pinag-uusapan ang kontrobersya sa pagmimina ng tea rose sa Biak-na-Bato, ngunit marami pa ring Bulakenyo ang hindi nakakakita ng kulay at ayos nito.

    Gayunpaman, hindi malinaw kung paano ipiprisinta bilang showcase ang mga nasabing bloke ng tea rose sa sambayanang Bulakenyo.

    Dahil dito, itinanong ng mga mamamahayag na ito ang ilang ispekulasyon.

    “Maaari bang paukitan ng hugis ng tao o kaya ay mukha ng mga dating gobernador ng lalawigan ang mga bloke at saka ibandera sa harap ng kapitolyo bilang showcase?” tanong ng mamamahayag na ito kay De Belen.

     ”Puwede,” sagot ni De Belen na noo’y natawa pa.

     ”Magandang ideya yan,” ani naman ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Biyernes.

    Ngunit para sa ilang tagamasid sa pulitika sa Bulacan, posibleng magkaroon ng hindi magandang konotasyon ang pag-uukit ng mukha ng mga dati, kasalukuyan o mga susunod na gobernador ng lalawigan sa mga bloke ng tea-rose.

    “Baka sabihin, mukha silang marmol,” ani ng isang tagamasid sa pulitika na natatawa ring nagkomento ngunit tumangging ipabanggit ang pangalan.

    Ang mga nasabing bloke ay ilang taon ng nakahambalang sa mga lansangan at daluyan ng tubig sa barangay Sibul, San Miguel Bulacan na di kalayuan sa bundok ng Mabio na nasasakop ng barangay Kalawakan sa bayan ng Donya Remedios Trinidad ng atasan ni Alvarado si De Belen na hakutin iyon upang hindi makadisgrasya sa mga residente.

    Sa kasalukuyan, ang mga nasabing bloke ay matatagpuan sa bakuran ng PEO sa barangay Tabang ng bayang ito. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here