Alvarado, panalo sa Bulacan

    398
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Iprinoklama na bilang ika-28 gobenador ng Bulacan si Willy Alvarado kagabi matapos na lumamang ng mahigit sa 41,000 boto kay dating Gob. Josie Dela Cruz kaugnay ng makasaysayang automated elections noong Lunes, Mayo 10.

    Si Alvarado na kasalukuyang bise-gobernador at nagmula sa bayan ng Hagonoy ay nakaipon ng kabuuang botong 533,527 kumpara sa 492,468 boto na naipon ni Dela Cruz na nagmula naman sa bayan ng Bocaue.

    Ang pagwawagi ni Alvarado kay Dela Cruz ay itinuturing na isang pag-uulit ng kasaysayan dahil sa noong huling bahagi ng dekada 50 ay tinalo ni dating Gob. Tomas Martin ng Hagonoy si dating Kinatawan Erasmo Cruz ng Bocaue.

    Nagmarka din sa kasaysayan ang pagwawagi ni Alvarado dahil siya ang unang pulitiko na tumalo kay Dela Cruz, habang naprotektahan niya ang kanyang walang dungis na record sa halalan.

    Sina Alvarado at Dela Cruz ay kapwa walang talo sa kanilang mahabang karera sa pulitika bago sila nagtunggali.

    Sa tunggalian sa pagka-bise gobernador, tinambakan ng aktor na si Daniel Fernando ng Guiguinto ng 212,237 boto si Boy Aniag ng Malolos.

    Si Fernando ay nakaipon ng kabuuang 538,336 boto kumpara sa 326,099 na kabuuang boto ni Aniag.

    Naiproklama na rin ang mga nagsipagwaging kongresista at bokal.

    Ang nahalal na mga kongresista ay sina Pedro Pancho ng District 2, Jonjon Mendoza ng District 3, Linabella Villarica ng District 4; at Arthur Robes ng Lone District ng San Jose Del Monte.

    Walang iprinoklamanang kongresista sa District 1 at Lone District ng Malolos, dahil magsasagawa ng special elections sa District 1 matapos ibasura ng Korte Suprema ang Lone District of Malolos.

    Ang mga halal na Bokal naman ay sina : District 1: Michael Fermin, Felix Ople, Ayee Ople; District 2: Monet Posadas at Enrique Dela Cruz; District 3: Rino Castro at Enrique Viudez III; District 4: King Sarmiento, Jonjon Delos Santos at Romeo Robes.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here