Alvarado: Hindi ako suspendido

    359
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Pinasinungalingan ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Sabado ang kumakalat na balita sa Bulacan na siya ay suspendido. Ito ay ilang oras lamang matapos na biglaang magpatawag ng press conference ang gobernador noong Biyernes ng hapon upang linawin ang iba pang kumakalat na usap-usap sa lalawigan na siya kinasuhan ng pandarambong, at matatanggal siya sa posisyon dahil sa inisyatibang election recall.

    “Hindi ako suspendido, hindi totoo ang balitang iyan, ako pa rin ang gobernador ng Bulacan,” sabi ni Alvarado sa kanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado ng umaga. Ayon sa punong lalawigan, hindi na mabilang ang mga tawag at text messages na kanyang tinanggap patungkol sa mga balitang inilarawan niyang “mapanira” at panloloko.”

    Sinabi ng gobernador na ilang talunang pulitiko na nakipag- alyansa sa kanyang kalaban sa pulitika ang nasa likod
    ng mga kumakalat na balita upang sirain ang kanyang pangalan. “Napaka-agang demolition job ito, malayo pa ang 2016,” sabi ng gobernador na muling nahalal noong nakaraang Mayo dahil walang nagtangkang kumandidato laban sa kanya.

    Una rito, nagpatawag ng isang biglaang press conference si Alvarado noong Biyernes ng hapon upang linawin ang mga balitang ipinakakalat ng kanyang kalaban sa pulitika na siya ay may kasong plunder sa Ombudsman.

    Nilinaw ng punong lalawigan na naisumite pa lamang ang reklamong plunder sa Ombudsman at hindi pa ito nagiging isang kaso. “Hindi pa kaso yun, sa mga dyaryo lang ako nakasuhan,” sabi niya patungkol sa mga lumabas na balita sa mga pahayagan patungkol sa nasabing reklamo. Ipinaliwanag niya na ang wala pang kaso silang sinasagot mula sa Ombudsaman dahil hindi pa sila pinadalhan ng liham upang magpalinawag.

    Ayon pa sa gobernador, mas nauna pang nakatanggap ang mga mamamahayag ng sipi ng reklamong inihain sa kanya sa Ombudsman dahil ipinakalat ito ng kalaban niya sa pulitika. “Ginagamit nila iyan para sa trial by publicity at character assassination,” sabi ni Alvarado.

    Binanggit din niya na ang reklamong plunder sa Ombudsaman ay may kaugnayan sa isinusulong na election recall laban sa kanya ng mga katunggali sa pulitika. Ayon kay Alvarado, kasalukuyang ginagamit laban sa kanya ng mga katunggali ang reklamong plunder upang mas marami ang mapapirma sa isinusulong na elections recall.

    Sinabi pa ni Alvarado na hindi siya personal na naaapketuhan, ngunit inamin niya na nababalam ang kanyang pagtupad sa tungkulin bilang gobernador.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here