HERMOSA, Batan- Unti-unti nang humuhupa noong Miyerkules ang malaking baha sa Barangay Almacen dito ngunit nagrereklamo ang mga residente na nag-iwan naman umano ito ng matinding putik, alipunga at iba pang sakit.
Mula tuhod hanggang dibdib ang lalim ng tubig sa Almacen na nagsimula hatinggabi ng Linggo dahil sa habagat na pinalakas ng bagyong Luis. Ipinakita ng isang matandang babae ang alipunga sa kanyang talampakan na nagpatung-patong na raw.
Ayon kay Verna Muli, nagkaroon sila ng lagnat at ubo at katunayan nga ay nilalagnat pa ang isa niyang kaanak dahil sa bahang dinanas nila. Inalipunga rin, aniya, ang paa niya at ibang kaanak at kapitbahay. ‘Sana mawala na ang pagbaha sa Almacen,” panawagan ni Muli habang naglalakad sa putik.
Ganito rin ang panawagan ni Domingo dela Cruz, 67, habang nag-iigib ng tubig upang ipanlinis sa putik sa kanyang bahay. “Sana mabigyan kami ng kaunting suporta tulad ng bigas dahil wala kaming ibibili,” hiling ng matanda. Si Dela Cruz ay isang mangignisda ngunit hindi nakalabas ng ilang araw dahil sa malaking baha sa Almacen.