Alingasaw sa bilangguan

    469
    0
    SHARE

    Nangamba ang maraming piitan sa mga lalawigan matapos salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang bilangguan sa Southern Luzon at pinalaya ang kanilang mga kasamahan ilang linggo na ang nakakaraan.
    Dahil dito, nagdadagdag sila ng mga tao para sa seguridad. Huwag pakakasiguro. Yun ngang pinagkulungan sa mga sinasabing terorista ay may nakakatakas.

    Mahihirapan daw pasukin ng mga NPA ang panglalawigang piitan sa Bulacan dahil sa higpit ng seguridad.
    Bukod dito, bago sila makapasok, dapat silang magbayad ng visitor’s fee. Ano yan, sinehan?

    Ayon sa mga ‘di makatiiis na bilanggo, kailangan magbayad ng P30 ang kaanak nilang bibisita sa kanila sa loob ng bilangguan.
    Para palang expressway ito, may toll fee. Alam kaya ito ng toll regulatory board, este ng kapitolyo?

    Sari-sari din daw ang raket sa loob ng panglalawigan piitan ng Bulacan. May mga binebenta pang raffle ticket na di malaman kung binobola nga o binobola lang sila ng nagbebenta.
    Hmmmmnn, alam kaya ito ni Warden at ng Department Trade and Industry (DTI)?

    Malakas din ang bentahan ng mga gamit pangkalinisan sa loob ng bilangguan, pati sabon pang paligo at pang-linis ng kubeta ibinebenta.
    Paano kung wala kang pera? Tiyak na babaho ka!

    Daig pa raw ang hotel ng panglalawigang piitan ng Bulacan, dahil bawat katreng tulugan ay binabayaran?
    Sino kaya ang land lord sa loob?

    Minsan, nawalan ng kuryente sa loob ng “Lex” dahil nag-overload ang circuit breaker ng kuryente, pero nang ipakukumpuni ay sa mga preso siningil ang pambili ng breaker.
    Hmmmnn, alam kaya ito ng kapitolyo? Magkano ba ang pondo ng kapitolyo para sa provincial jail at circuit breaker lang ay sa mga preso pa sinisingil? Hindi bat mahigit P3-B ang pondo ng kapitolyo sa taong 2008?

    Ayon kay Provincial Administrator Pearly Mendoza, may sapat silang pondo para sa provincial jail.
    Kung meron, nasaan o saan napunta ang nasabing pondo?


    Noong Agosto 2005, nagkagulo sa looob ng provincial jail ng Bulacan kung kailan ay isang bilanggo ang napatay.
    Hanggang ngayon ay di pa rin malinaw ang insidente, pero nag-resign ang dating warden dahil sa kakaibang ‘jail decongestion.”

    Dahil sa nasabing gulo, natigil ang tinaguriang “happy hour” sa loob ng bilangguan kung saan ay pinapayagang uminom ng alak ang mga bilanggo tuwing Biyernes.
    Ang nasabing “happy hour” ay napalitan ng ‘unhappy hour. “

    Kakaiba talaga ang panglalawigang bilangguan sa Bulacan. Mayroon itong mga sari-sari store at videoke sa loob.
    Pero natuto na sila. Walang kumakanta ng “My Way.”

    Kung tutuusin, maayos ang pamamahala sa loob ng panglalawigang piitan ng Bulacan ngunit kahit gaano kaganda ang pamamahala ay umaalingasaw pa rin ito.
    Lalo na kung mapapadaan sa likod nito, tiyak na magtatakip ka ng ilong.

    Nakalulungkot ang kalagayang ito, ayon sa mga napapadaan doon, dahil sa nasa loob ng bakuran ng kapitolyo ang panglalawigang piitan.
    Anila, bakit umaalingasaw ang kapitolyo?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here