Home Opinion Alin ba talaga, CIA o DMIA?

Alin ba talaga, CIA o DMIA?

650
0
SHARE

PANAHON na upang ang isinusulong
na dapat pinal nang maipangalan itong
Clark International Aiport ng 3rd Region
sa pinakatanyag na ‘poor boy’ ng Lubao.

At di tulad nitong sa isang banyaga
nakapangalan ang ‘gateway’ nitong bansa,
samantalang tayo’y may mga dakila
na ka-Pilipinong dapat ibandila.

Sino sa atin ang nakakikilala
kay Major Harold Clark dito sa Pampanga,
na namatay sa isang ‘plane crash’ sa Panama
kung saan ang bansag na CIA kinuha?

Higit pa bang dapat na pahalagahan
ang dayuhan kaysa ating minamahal
na naging Pangulong Dadong Macapagal
na ka-Pilipino, kadugo at laman?

Tunay na marapat lang na maibalik
sa DMIA ang CIA, na ipinalit
ng isang Remollo, na mas nitong higit
binigyang halaga ang dito lang sampid.

Kaya ngayong liban sa ang ‘city council’
ng Angeles itong may direktang hiling
kay Pangulong Digong na mabigyang pansin
ang resolusyon n’yan, suportahan natin

Sa pagnanasa na tanggalin ang ngalan
ng isang hindi nga natin kababayan,
na kinakailangan na nating palitan
ang taguring ‘Clark’ sa ating paliparan.

Dala na rin nitong malaking insulto
sa ating rehiyon at kapwa Pilipino
ang pananatiling katawagan nito
bilang CIA, gayong DMIA ang wasto

Anong nagawa ni Harold Clark sa bayan
para dakilain ang kanyang pangalan
at mapanatiling nakatatak pa riyan
ang tatak ng Kano sa ating paliparan?

During the lease contract with them still exists,
Yes, they then have the rights and/or legal basis
To name their rented base to whatever they wish
Since it may consider they own the said premise.

But right after they left and vacated the place
Such rights and/or any power to exercise
Something that they want to retain in the said base,
Has no valid effect since it’s no longer theirs.

Kaya mula pa nang ito’y ibalik na
at tayo naman ang may-ari talaga,
ano’t pangalan pa ng kalahi nila
ang gamitin at di ang atin kumbaga?

Na noon pa dapat inayos at sukat
itong pagpapalit ng katawagang Clark
sa ating Freeport Zone napakalawak,
dangan nga lang hindi nagsikilos agad

Itong sina Tony Ng, Benny Ricafort
at iba pa upang ang Clark sa’ting bantog
na Kabalen ito naipangalan lubos,
at di sa dayuhang tulad lang ni Harold.

Sapat na ang mga panahong nagdaan
kung saan ang ‘Clark Field’ nakilala bilang
isa sa pangunahing Base Militar
ng mga Kano sa Malayong Silangan.

Nararapat lang na itong Resolusyon
ng ‘city council’ ng Angeles kay Digong
mai-akyat upang sa ‘poor boy’ ng Lubao,
ipangalan pati ang buong ‘Freeport Zone’!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here