KAPANSIN-PANSIN ang di pagkapareho
ng mga pahayag ng ating Pangulo
at ng kanyang mga Spokespersons mismo
sa halos lahat ng bagay sa Palasyo.
Dala marahil ng di lamang iisa
itong bale tagapagsalita niya,
kaya’t kadalasan nga ay magkaiba
ang kanilang mga pahayag sa tuwina.
Gaya na lang nitong isyung term extension,
Charter Change, NoEl o sabi’y No Election;
aywan lang kung bukal sa puso ni PNoy
ang aniya’y wala siyang ganoong intension
Na mag-reelect siya kasi siya mismo
ay nagpahayag na wala raw umano
yata siyang balak habaan pa nito
ang panunungkulan niya bilang Pangulo
Kundi ang kanyang Boss o ang taongbayan
umano ang tunay na may kagustuhan
na mabigyan siya aniya ng isa pang
panibagong ‘six years’ diyan sa Malakanyang
Pero sa isang banda sinasabi naman
nitong malalapit niyang kanang kamay,
si Pangulong PNoy ang may kagustuhnan
upang ang Saligang Batas amyendaan
O magka-charter change, kaya walang tiyak
na tinutungo ang mga dinadakdak,
nitong kay PNoy ay pasipsip at lahat,
kundi alimuom na nakakakabag.
Aba’y sino naman ang di malilito
sa magkasalungat na pahayag mismo
nina Pangulo at Spokespersons nito,
sa lahat na yata ng anumang isyu?
Pero kung totoong si Pangulong PNoy
Ay wala nga siyang talagang ambisyon,
Na maamyendaan pa ang Konstitusyon
Para lamang mabigyan ng ‘term extension’
At kung saan pagsapit ng Junio treynta
Ay bababa siya’t mamahinga na
(bilang public servant,) ayon sa kaniya
Ya’y sapat na para paniwalaan siya
.
Yan ay kung talagang handa nang lumisan
Si PNoy sa Palasyo ng Malakanyang,
Kasi nga’y matunog ang bulung-bulungan
na tunay ngang mayrung ‘hidden agenda’ yan.
Malay natin baka iba’ng sinasabi
ni sir kaysa laman ng isip niya pati,
May mga instansya na kung minsan kasi,
pabago-bago ang ating Presidente.
Dala na rin nitong sulsol ng iilang
mga kabig niya d’yan sa Malakanyang,
Partikular na ang mga ‘Advisers’ nyan
na magkasalungat ng opinyon minsan
Na tunay naman ding walang pinag-iba
sa estilo r’yan ng Spokespersons niya,
Na kadalasan ay may pagkakaiba
sa pahayag ni Sir ang pahayag nila.
Alalaon baga imbes makabuti
kay Pangulo ang kanilang sinasabi,
Ya’y nakasasama pa sa bandang huli,
kaya maglubay na hangga’t maari
Sa pagpapahayag ng anumang bagay
na di kay Sir galing ang ‘statement’ minsan,
Nang sa gayon ay di malihis sa tunay
na gustong ihayag nitong Malakanyang
At kung saan higit na makabubuti
ay itong kung sino ang Press Secretary
na siyang tunay na may ‘official duty’
ang dapat i-assign diyan ng Presidente!