Home Headlines Alert Level 1: Bilang ng namamalengke, pasahero dumarami

Alert Level 1: Bilang ng namamalengke, pasahero dumarami

680
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Unti-unti nang dumarami ang pumupunta sa palengke at sumasakay ng mga pampasaherong sasakyan ngayong Martes na simula ng pagpapailalim sa Bataan sa Alert Level 1.

Sa malaking public market ng lungsod ay kapuna-puna ang pagdami ng namimili bagama’t sinasabi ng mga tindera na mahina pa rin ang kanilang benta at hindi pa rin bumabalik sa dati ang dami ng namamalengke

“Ngayong Level 1, inaasahan naming magiging mabili na para maka-move on na kami,” sabi ni Elisa Abiado, tindera ng gulay.

Matagal na aniyang matumal ang kanilang benta dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease.

Sinabi ng ilang city marshal na nakabantay sa palengke na halos lahat na ng stall ay nagbukas na. Naghihigpit pa rin daw sila sa pagpapaalala sa mga tindera at mamimili na magsuot ng face mask at mag-obserba ng social distancing.

Sa paradahan ng mga pampasaherong jeepney ay maraming sasakyan ang nakaparada dahil sa inaasahan ng mga drayber ang pagdami ng pasahero.

“Nadagdagan ng kaunti ang mga pasahero ngayon kaysa dati,” sabi ni Val Ludovico, driver ng jeepney na may rutang Balanga City – Lamao (Limay, Bataan).

Ito rin ang obserbasyon ni Abel Canaria, jeepney dispatcher, na nagsabing sumusunod sila sa kung ano ang itinakda ng mga kinauukulan at umaasang parami na ang mga pasahero.

“Sa tingin namin makakabuti ang Level 1 para sa amin,” sabi ng dalawa. Maluwag na anila at nakakapunta na sa mga mall ang maraming tao at nakakapagbiyahe na kasama ang mga bata.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here