Dahil sa malalim na pagbaha na nagpalubog sa Hagonoy, Bulacan maraming residente ngayon ang nag-iisip na magpundar ng bangka. Makikita sa larawan si Narciso Baesa habang nililimasan ang bangkang nahiram.
KUHA NI DINO BALABO
HAGONOY, Bulacan— Maraming salamat po! Ito ang may ngiting paulit-ulit na sinambit ng mga residente ng bayang ito sa mga naghatid ng tulong katulad ng tubig inumin, pagkain, gamot, libreng re-charge sa cellular phone at maging libreng gamit ng internet sa panahon ng pagbahang hatid ng mga bagyong edring at Quiel.
Para sa mga residente tulad ni Cythia Alfonso, makahulugan ang mga nasabing tulong dahil sa 11-araw na walang kuryente sa bayang ito na naging sanhi ng kawalan ng tubig na pinadadaloy ng Hagonoy Water District na nakadagdag pa sa pangama sa malalim na pagbaha na tumagal ng 10 araw.
“Malaking tulong ito,” ani Narciso Baesa ng Barangay San Sebastian sa bayang ito patungkol sa tubig inuming ipinagkaloob ng pribadong mamamayang naghatid ng tulong sa kanilang lugar noong Martes, Oktubre 4.
Ito ay dahil sa noong araw na iyon, isang linggo halos ay hindi makapagpadaloy ng tubig ang HWD at kinakapos na ng malinis na tubig inumin ang libo-libong pamilya sa bayang ito na lumubog sa apat hanggang anim na talampakang tubig baha.
Bukod sa kalagayang ito, libong pamilya rin ang kinapos ng pagkain dahil sa magkakadugtong na kadahilanan sanhi ng pagbaha. Dahil sa baha, marami ang hindi nakapaghanapbuhay partikular na ang mga pamilya ng mga tricycle driver.
Ang iba ay nagsipanghuli ng isdang natangay ng baha gamit ang kanilang kulambo, ngunit wala ring mapagbentahan dahil maging ang pansamantalang palengke ay lumubog din.
Ang mga tindahan ng pagkain katulad ng mga grocery at maging mga drug store at ilang araw ding sarado.
“Masakit na ang paa ko sa alipunga,” ani Puling Perez ng Barangay San Sebastian na laging nakalusong sa baha dahil sa paghahatid ng ilang residente gamit ang kanyang maliit na bangka.
Marami sa mga residente ng bayang ito ang may mga kaanak at kaibigan sa labas ng bayan na nakahandang tumulong, ngunit dahil sa walang kuryente sa loob ng 10-araw, hindi sila makakontak dahil naubusan ng baterya ng kanilang cellular phone.
Maging ang mga may kaanak na sa ibayong dagat ay hindi makapaghatid ng impormasyon sa kanilang kaanak na nag-aalala at handang magbigay ng tulong dahil hindi magamit ang mga laptop at computer sanhi ng kawalan ng kuryente.
Gayunpaman, may mga ilan na naglakas loob na lumusong at tinawid ang malalim at malakas na agos ng baha upang makapag-charge ng cellular phone at laptop sa labas ng Hagonoy.
Ang mga kalagayang ito ang ilan sa mga kinunsidera ng mga nagsipaghatid ng tulong na ipinagpasalamat ng mga taumbayan. Kabilang sa mga naghatid ng rasyong pagkain at tubig inumin ay ang mga kaibigan at kaanak ng pamilya Montehermosong Barangay San Agustin.
Ang pamilya Montehermoso ay kaanak ng pamilya Santiago na may ari ng Bulacan Garden.
Maging ang mga kaibigan nilang duktor na nagmula sa Tondo, Maynila ay nagbigay din ng libreng konsultasyon at gamot sa mga residente ng San Sebastian.
“Kailangan lang maingat sa alipunga, napakarami na ng may alipunga dahil sa baha,” ani Dr. Ervin Dela Rosa, isang duktor na nakabase sa Lungsod ng Maynila ngunit kaanak ng yumaong si Vice Mayor Maria Garcia ng bayang ito.
Sa paghahatid naman ng serbisyong libreng recharge ng cellular phone ay nangibabaw ang kagandahang
loob ng mayari ng Maria’s mini-mart sa bayang ito at ng Meralco dahil sa mula Sabado, Oktubre 1 ay inihatid nila ang naturang serbisyo.
Maging ang Blas F.Ople Policy Center sa pangunguna ni Susan Ople, ang bunsong anak ng yumaong si Senador Blas Ople ay nagbigay ng libreng internet service sa pamamagitan ng pagdadala ng mga laptop na nakakunekta sa internet sa gusali ng HWD upang magamit ng mga residente.
Bukod dito, ilang residenteng maykaya sa buhay ang nagbukas ng kanilang tahanan sa mga mas mabababa ang bahay na nilubog sa baha, samantalang ang iba ay nagbigay din ng libreng tubig inumin at libreng re-charge sa cellularphone dahil sa mayroon silang generator.
Maging ang alkalde ng bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad na si Mayor Rey Flores ay ipinagamit ang kanyang 20 trak na dati ay gamit sa paghakot ng namin ang bakal sa bundok.
Ito ay dahil sa kalaliman ng baha, tanging ang katulad na matataas na trak ang nakakapasok at nakakabiyahe sa bayang ito kung saan ay nagamit ang mga trak sa paghahatid ng rasyon at maging ng mga mga taong papasok at palabas sa bayan.
“Diyos na po ang bahalanggumanti sa inyong kagandahang loob,” ani ngisang Tony Danganan ng Barangay Sta. Monica sabayang ito.


