Hanggang baywang ang kulay putik na tubig baha na nagmula sa Sierra Madre. Kuha ni Rommel Ramos
SAN MIGUEL, Bulacan — Nakaranas ng flash flood ang ilang lugar dito sa kasagsagan ng pag-ulan na dala ng bagyong Pepito Martes ng gabi.
Ayon sa residente ng Barangay King Kabayo na si Michel Domingo, bigla ang pagdating ng tubig na kulay putik na nagmumula sa kabundukan ng Sierra Madre.
Ani Domingo, umabot hanggang tiyan ang taas ng tubig at natangay ng malakas na agos ang mga alagang kambing, manok, at mga baboy.
May mga kasangkapan din aniya ng ilang residente ang nasira matapos na abutan ng tubig dahil sa biglaang pagragasa ng baha.
Ayon naman kay municipal councilor Melvin Santos, labis na naapektuhan ng flash flood ang mabababang lugar ng San Miguel na King kabayo, Baritan Pardias, Buga, at Salacot.
Aniya, dahil sa sira ang Bulo Dam ay nakararanas sila ng flash flood kapag naging malakas ang buhos ng ulan sa Sierra Mdre.
Samantala, sa kabila ng flash flood ay wala namang mga residente na nasaktan o inilikas.