ANG BAYAN at mamamayang walang sining at kultura ay walang kaluluwa.
Ang musika , panitikan, sayaw at iba pang uri ng sining ay mahahalagang bagay na nagbibigay buhay at nagpapatingkad sa karakter ng isang bansa, bayan o komunidad. Sa pamamagitan ng sining ay naihahayag ang mga tradisyon at mithiin ng mamamayan.
Noong ako ay bata pa hindi ko makalimutan ang mga panahon na tuwing nalalapit na ang pista ng La Naval ay dumarating na ang aking lolo na si Don Francisco “Paquito” Mesina Pamintuan at dinadala niya kaming magpipinsan sa liwasan malapit sa simbahan upang manood at makinig sa paligsahan ng mga musiko sa isang serenata.
Dahil wala pang TV noon, maraming tao ang nanonood ng serenata.
Nawala – sa di malamang kadahilanan – ang napakagandang tradisyon nating ito matapos ideklara ang batas militar noong 1972.
Makalipas ang 20 taon, nang ihalal ninyo akong mayor noong 1992, ay binuhay ko muli ang serenata bilang pagpapaalala sa mga Angelenyo sa napakagandang tradisyong ito.
Bagama’t saglit na natigil ito dahil sa pang-iistorbo ng lahar, naibalik natin ito hanggang 1998 sa aking pamamaalam bilang mayor.
Marahil sa kadahilanang walang pakialam at interes sa sining at kultura ang mga sumunod na administrasyon, nakalimutan ang serenata, pati na rin ang iba pang uri ng tradisyunal na sining.
Sa aking muling pagbabalik nitong 2010, isinama natin bilang bahagi ng ating programang nakapaloob sa “Kontrata sa mga Angelenyo” ang pagbuhay at pagpapasigla sa ating mga tradisyon.
At naging madalas na ang serenata, Crissotan, polosa, teatro at iba pa, bukod pa sa Tigtigan, Terakan King Dalan na atin ding binalangkas sa adhikaing buhayin muli ang sigla ng kalunsuran noong ito ay gupo sa delubyong dulot ng Bulkang Pinatubo.
Sa ating pagbuhay sa ating mga tradisyunal na musika, sa ating pagbaybay sa yaman at kulay ng ating sining at kultura, napapanatili natin ang tibay ng ating mga bigkis bilang isang lahi, napapasigla natin ang ating damdamin bilang isang lipi at napapaalab natin ang ating mga pagpupunyagi tungo sa ating kaisahan, kaayusan at kaunlaran bilang isang bansa.
Tumbok na tumbok ni Punonglungsod Edgardo Pamintuan ang kahalagahan ng sining at kultura sa buhay ng isang pamayanan.
Tunay na ang sining at kultura ang nagsisilbing kaluluwa ng isang lipi, lahi, bansa o lipunan. Ayon na nga kay Papa Juan Pablo II sa kanyang unang pagbisita sa Nueba York noong 1979: “Higit sa lahat, ang isang lungsod ay nangangailangan ng kaluluwa (Above all, a city needs a soul).”
Kung kaya’t nakakariwasa man sa lahat ng bagay na materyal ang isang pamayanan o isang lipunan, pulubi pa rin itong maituturing kung ito ay salat sa kultura at sining.
Sa pagbuhay ni Pamintuan sa serenata at iba pang mga sining at kulturang sariling atin, tunay na maaliwalas, maliwanag, maningning ang tahakin ng iniirog na lungsod natin.