Aircon mas ligtas, mas mataas ang produksyon para sa babuyan

    362
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan —- Sa kabila ng mainit na panahong hatid ng tag-araw na karaniwang nagdadala ng sakit sa mga babuyan at poultry farm, wala namang pangamba sa pagkakasakit at pagkamatay ang mga alagang baboy sa Archer Hog Farm sa Baranggay Daungan dito.

    Ito ay dahil sa nakatitiyak daw na ligtas ang mga alagang baboy at makukuha ang bilang ng ibebentang baboy dahil sa modelong hog farm na ito.

    Ang Archer farm ay gumagamit ng makabagong teknolohiya sa pag-aalaga ng baboy. Ito ay tinatawag na tunnel ventilation system (TVS) kung minsan naman ay climate control system (CCS).

    Sa simpleng salitang, ang TVS ay air-conditioned na babuyan.

    Ayon kay Louie Sitangco, general manager ng Archer Hog Farm, nagsimula ang babuyan noong 2008 gamit ang tradisyunal na sistema na pag-aalaga ng baboy kung saan ang mga kulungan ay naka-angat sa lupa.

    Ngunit ang nasabing sistema ay nakaayon lamang sa init o lamig ng panahon kung saan ay malaki ang posibilidad na magkasakit at mamatay ang mga alaga.

    Dahil dito, minabuti nila na gumamit ng TVS noon pang 2010 at sa kasalakuyan sa isang harvest cycle nila ay umaabot sa 3,600 ang kanilang baboy na naibebenta na may timbang na nasa pagitan ng 95 hanggang 100 kilo.

    Ang isang harvest cycle sa TVS ay umaabot lamang sa 75 hanggang 90 araw.

    Batay sa kanyang paliwanag ang katulad na timbang ng baboy ay nakukuha rin sa tradisyunal na paraan ng pagpapalaki, ngunit iyon ay inaabot ng anim na buwan.

    Bukod doon, hindi rin gaanong problema ng farm na ito ang supply ng kuryente. Dahil 60 porsiyento ng power supply dito ay nagmumula na rin sa dumi ng mga baboy.

    Sa digester nila iniipon ang dumi ng mga baboy na nagbubunga naman ng methane gas na siyang ginagamit na power supply. Kayat hindi daw nila gaanong problema kung magkakaroon ng malawakang brownout.

    Karaniwang minementena sa loob ng babuyan ang 24 hanggang 28 degree centigrade na temperatura ngayong panahon ng tag-init. Depende daw iyon sa pangangailangan ng mga baboy.

    Kapag tag-init mas nangangailangan daw ang mga baboy ng maraming tubig kaysa pagkain kayat hirap silang palakihin.

    Bukod doon ay bantad din sa respiratory diseases dahil sa sobrang init kayat malaking bentahe talaga ang air-conditioned system para sa pangangailangan nila. Sa operasyon nito ay importante ang ventilation at cooling system na dalawang principle na ginagamit dito.

    Batay sa impormasyon, umaabot sa 11,520 baboy ang kanilang naibebenta sa ilalim ng TVS. Ito ay higit na mas mataas ng 4,320 na baboy sa tradisyonal na pamamaraang gagamitin sa kasing laking farm.

    Kung tradisyunal na sistema ang gagamitin sa Archer Farm, aabot lamang ng 7,200 na baboy ang maibebenta sa loob ng isang taon. Sila daw ay umaabot ng 3.2 cycles sa harvest every year.

    Bukod sa mataas na produksyon bawat taon mas mababa ang mortality rate ng baboy sa TVS at higit sa lahat,nagiging payapa ang kanilang isipan sa negosyo lalo na ngayong panahon ng tag-init.

    Ipinaliwanag pa niya na kasama ring TVS ang paggamit ng automatic feeder at drinker sa mga baboy. Dahil dito, hindi na kailangang maglabas- masok nang madalas ang mga manggagawa sa loob ng kulungan na posibleng makaapekto sa pangkalahatang biosecurity measures ng buong farm.

    Hinggil naman sa gastos sa operasyon ng farm, kapareho lamang daw ito ng kanilang gastos noong nasa ilalim pa sila ng tradisyonal na produksyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here