Home Headlines Agri-Puhunan, Pantawid Program ng DA magtitiyak ng regular na tanim ng palay

Agri-Puhunan, Pantawid Program ng DA magtitiyak ng regular na tanim ng palay

387
0
SHARE

GUIMBA, Nueva Ecija (PIA) — Matitiyak nang regular na mapapataniman ng palay ang may 1.2 milyong ektaryang sakahan sa bansa ngayong inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Agri-Puhunan at Pantawid Program.

Ito ang nagsilbing regalo ng punong ehekutibo para sa mga magsasaka sa pagdiriwang ng kanyang ika-67 taong kaarawan na ginanap sa Guimba, Nueva Ecija.

Pormal nang inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang programang Agri-Puhunan at Pantawid ng Department of Agriculture sa Guimba. Ang bayang ito ang may pinakamalaking lupang sakahan ng palay sa Nueva Ecija na umaabot sa 15,514 ektarya. (PCO)

Ayon kay Municipal Agriculturist Nida Lanuza, pinili ni PBBM na sa kanilang bayan ganapin ang paglulunsad nitong abot-kayang pautang dahil ang Guimba ang may pinakamalaking lupang sakahan ng palay sa Nueva Ecija na umaabot sa 15,514 ektarya.

Ang Agri-Puhunan at Pantawid Program ng Department of Agriculture (DA) ay isang komprehensibong credit facility para sa mga magsasaka sa pag-access ng mga binhi, pataba, pestisidyo at langis, at maging ng mga serbisyo tulad ng makinarya at drone.

Kwalipikado sa programa ang mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture, may lupang sakahan na hindi hihigit sa dalawang ektarya, walang outstanding loans mula sa mga formal lenders o sa DA Agricultural Credit Policy Council, walang negative findings, at nakakumpleto ng mga teknikal na pagsasanay sa palay.

Bawat benepisyaryo ay may maximum credit na P60,000 kada ektarya kada panahon ng pagtatanim kung saan P28,000 kada ektarya para sa produksyon ng bigas ang input credit habang P32,000 kada ektarya ang subsistence allowance.

Ang loan term ay 180 araw o hanggang matapos ang panahon ng pagtatanim. Ito ay may interest rate na dalawang porsyento kada taon.

Paliwanag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bawat benepisyaryo ay pagkakalooban ng Interventions Monitoring Card (IMC) na magsisilbing electronic wallet kung saan maari nilang makuha ang mga interbensyon sa mga DA-accredited merchant.

Ito ay maaring makuha sa pamamagitan ng mga automated teller machines, online banking, at over-the-counter bank transaction.

Target ng DA na mamahagi ng IMC sa may limang libong magsasaka sa Gitnang Luzon ngayong Setyembre.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Agri-Puhunan at Pantawid Program ay nabuo bunga ng seryosong pakikinig ng kanyang administrasyon sa karaingan ng mga magsasaka.

Tiniyak niya na habang tinutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng magsasaka sa binhi, pataba, pestisidyo at post-harvest facilities, sasabayan aniya ito ng pagkukumpleto ng iba pang kailangang imprastraktura.

Uunahin na rito ang pagpapagawa ng tulay na mag-uugnay sa mga barangay ng Balbalino at Sta. Ana sa bayan ng Guimba.

Inatasan niya si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na isama ito sa mga prayoridad sa Tulay ng Pangulo program ng ahensiya.

Lubos naman ang kagalakan ni Virgilio Antonio Villa, benepisyaryong magsasaka na may isang ektaryang sakahan sa lungsod agham ng Muñoz sa Nueva Ecija.

Anya malaking tulong ang programa dahil higit na mababa ang dalawang porsyentong interes kumpara sa lima hanggang pitong porsyentong interes kung uutangin sa pribadong institusyon.

Samantala, isinabay na rin ni Pangulong Marcos ang pagkakaloob ng nasa 12 mga makabagong makinaryang pangsaka.

Bahagi ito ng mga pinondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund mula sa nakolektang taripa sa mga inangkat na bigas ng pribadong sektor sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Nueva Ecija)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here