Samal, Bataan: Nagdaos ng mahaba at makulay na Grand Santacruzan at Flores de Mayo ang Aglipay Church o Iglesia Filipina Independiente sa Samal, Bataan hapon ng huling Linggo ng Mayo.
Umambon saglit ngunit hindi nagtuloy ang ulan kaya naidaos ng tuloy-tuloy at maayos ang pagdiriwang na pinangunahan ni Rev. Fr. Mario Dilig, IFI parish priest ng Samal sa ilalim ng parokya ni Sta. Catalina ng Siena.
Naggagandahan sa kanilang suot na mga gown ang mga bata, dalagita, at ilang babaing nasa katamtamang gulang na tumayong mga sagala at Reyna Elena.
Ang arko ng Reyna Elena at karo ng krus ganoon din ang karosa ng Imahen ng Birhen Maria ay hitik sa mga bulaklak.
Bago ang Santacruzan at Flores de Mayo, nagsagawa muna ng Banal na Misa sa IFI Church.