ANG DI pagkibo at animo’y wala lang
sa administrasyon itong patuloy pang
pag-okupa nitong China sa Isla r’yan
ng Scarborough Shoal at karatig pa n’yan
Nangangahulugan na hindi nga atin
ang islang ito at legal ang pag-akin
nila, sanhi nitong di pagtutol natin
at pag-gawa ng kaukulang aksyon din.
At kung saan ilang beses nang ginawa
sa kabayan nating mga mangingisda
itong kung alin ang malalaking isda
na kanilang huli, ang kinuha yata?
Tama bang gawin n’yan ang ala pirata
na estilong lubhang di kaaya-aya
bilang mga ‘coast guard’ mismo nitong China
na nagkataong sa lugar nagpatrulya?
Kaya kung tunay ngang atin ang islang ‘yan,
base sa ‘ruling’ ng pang-internasyonal
na tribuna bakit pinababayaan
nilang gawin sa ‘tin ng China ang ganyan?
Tulad na lang nitong sa lugar nagpunta
ang ‘staff ’ ng ‘Reporter’s Notebook’ nakita
n’yan kung anong klase ang estilo nila
sa pagharap sa ‘ting kapatid na Media.
Kung saan ay hindi kapitapitagan
at tuwirang masasabing kabastusan
ang inasal nitong ‘government official’
ng China, ang doon nila naranasan.
Kaya kung kami ang inyong tatanungin
hinggil sa ‘financial assistance’ sa atin
ng China gaya ng pagpapautang din
ng ‘millions of dollars,’ huwag na nating kunin.
Sapagkat posibleng ito ay humantong
sa napakatindi nating pagkabaon
sa utang, at kapag di na naka-ahon
si Juan, kanila na ang ‘Philippine Nation’?
(Gayon din ang alok na ‘joint exploration’
diyan sa China Sea, na sagana sa ‘oil,’
‘yan solo na nila ‘within ten years or more’,
at wala na tayong ano pa mang habol.
Manapa hangga’t may panahon pa para
maidulog natin sa tamang tribuna
itong animo ay pagkamkam ng China
sa Scarborough Shaol, tayo’y kumilos na.
At di gaya nitong tayo’y kampante lang
hinggil sa problemang dapat na mabigyan
ng akmang solusyon na kinakailangang
harapin upang ang tension ay maibsan.
Bunsod na rin nitong di natin pagkilos
sa bagay na ito walang maidudulot
na buti kundi ng pagkawalang lubos
sa atin ng islang kanilang sinakop.
At kung saan sanhi ng pananatiling
tikom ang bibig ng marami sa atin,
partikular na ng Presidente natin,
ang lahat ay walang buting mararating.
Kaya hangga’t mayrung sapat na panahon
upang bitiwan n’yan ang Scarborough Shaol,
mas makabubuting sa United Nations
natin hilingin ang pinal na desisyon!