KUNG hanggang sa oras na ito patuloy
ang pagsipa’yan ng nangagpositibong
‘carrier’ ng Covid, at ‘ban-aid solution’
ang tanging panlaban, mahirap makontrol.
At nang dahil na rin sa itong may tangan
sa susi kumbaga ng pangkagipitang
pagharap sa bagay na kinailangang
unahin animo’y usad pagong nga yan.
At ang inuuna ay itong paano
Mamantikaan ang labi niya bago
umaksyon, malamang sa daang di wasto
o pagkadiskaril nakarating ito.
Na hayan, sa social media at iba pang
uri ng ngayon ay pagbabalitaan
itong nahayag na di inaasahang
matinding korapsyon yatang natuklasan.
Na nakarating na sa halos lahat na
riyan ng nakatutuok ang taynga at mata
nila sa isyu ng ubod laking pera
na aywan kung tukoy na ng ating COA.
Kung kaninong bulsa ito nakarating
o naka-‘deposit’ sa ‘account’ ng ating
DOH Sec para nila ipambiling
‘face mask’ at ‘face shield’ na lubhang mamahalin.
Halata naman sa unang tingin pa lang
na ang bagay na ito pinagkakitaan
diyan sa DOH ng mga kawatan
at mga dorobo sa pamahalaan.
Di ko ninanais sabihing si Duque
ay may kinalaman sa marami-rami
na ring ‘untoward’ ng mga insidente
ng pangungurakot d’yan na nangyayari.
Pero sa puntong siya ay ayaw mabitiw
bilang DOH Sec sa kabila pa rin
ng panawagan ng kababayan natin,
ano ang posibleng masisilip natin?
Na siya ay lubhang makapit sa puesto
o kapit-butiki sabi nga ni Lolo,
kundi man kawalan niya ng respeto
sa sarili at sa kanyang kapwa tao?
O ng dahil na rin sa itong si Digong
ang pumipigil na manatili itong
‘Cabinet Sec’ nga niya itong pekeng doktor,
sinong tigasin ang mangahas humamon?
Ano’t ano pa man ang maging resulta
ng ginawa riyang pag-‘audit’ ng COA
sa ‘account’ ng DOH at ng PhilHealt pa,
lilitaw kung mayrun nga r’yang anomalya.
At ito ang siyang magiging batayan
upang si Duque ay sipaing tuluyan
sa alin mang puesto’t hawak na tanggapan
na nasasakupan ng pamahalaan.
At ang kaukulang dapat panagutan
ng kahit sinuman gawin sa paraang
walang sinisino’t kung mapatunyang
‘guilty’ – SANA ALL ay nang di pamarisan!