ADD nagsagawa ng medical, dental, optical at legal missions sa kulungan

    403
    0
    SHARE
    IBA, Zambales – May 190 na preso mula sa Zambales Provincial Jail at 25 jail personnel ang nakinabang sa isinagawang medical, dental, optical at legal mission ng Church of God International o mas kilala sa tawag na Ang Dating Daan.

    Ayon kay Jail Warden, Retired Senior Supt. Celestino Malungcot, 173 dito ay mga lalaki at 17 naman ang mga babaeng preso ang napagkalooban ng serbisyo medical at iba pa.

    Sinabi ni Malungcot na malaki na ang nagawang pagbabago hindi lamang sa kalinisan at kaayusan kundi sa kanilang kalooban.

    Ito umano ang resulta ng mga gawaing pang-espiritwal sa pangunguna ng mga “manggagawa” sa religious activities.

    “Kahit na ang tao ay nagkasala ay natututunan pa rin nilang magbagong buhay dahil na rin sa salita ng Diyos na ipinaabot sa kanila,” ani Malingcot.

    Nanawagan din siya sa publiko na sana ay baguhin ang kanilang paniniwala na kapag nakulong na ang isang tao ay likas na itong masama, “may pagkakataon parin naman itong magbago sa pamamagitan ng ‘spiritual aspects’”.

    Ipinakita naman ng isa sa mga preso, si Jacinto Donato ng cell no. 7 ng Zambales Provincial Jail, ang kanyang pinagkakaabalahan sa pamamagitan ng paggawa ng lamp shades at bahay-bahayan na may kumpletong kagamitan.

    Pinasalamatan naman ni Malungcot ang Ang Dating Daan sa isinagawang medical, dental, optical at legal mission para sa mga preso ng Zambales Provincial Jail.

    Ang mga medical, dental, optical at legal missions ay regular na isinasagawa ng Ang Dating Daan sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas lalo na sa mga kapus-palad ng mga Pilipino.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here