BAMBAN, Tarlac — Hindi magtatanggal ng mga empleyado si acting Mayor Eraño Timbang, unang konsehal ng bayan na itinalaga matapos sibakin sa puwesto si Alice Guo.
Ayon kay Timbang, wala siyang tatanggalin na mga empleyado na mga naipasok ng nakaraang administrasyon para walang pagkakahati-hati sa pulitika. Paliwanag niya na naiintindihan niya na may mga pamilya na binubuhay ang mga empleyadong ito at hindi dapat na maapektuhan ang kanilang mga trabaho.
Aminado si Timbang na maikli lang ang panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde at prayoridad niya sa loob ng tatlong buwan na maipagpatuloy ang mga nasimulan na proyekto ni Guo gaya ng pamimigay ng school supplies.
At dahil nasa last quarter na ng taon ay dapat din na makapagpapasa ng budget ang Bamban LGU para sa taong 2025 dahil mahirap naman aniya kasi kung reenacted budget lang ang gagamitin dahil kailangang mapaglaanan ng pondo ng mga prayoridad na proyekto para sa susunod na taon.
Ani Timbang, kasalukuyan nang inaayos ng Department of the Interior and Local Government ang mga pansamantalang mauupo na bubuo ng municipal council dahil bakante ang buong sanggunian dahil sa mga suspensyon ng mga nasa konseho.
Matatandaan na si Timbang ay pormal ng nakapanumpa nitong Miyerkukes kay DILG Sec. Benhur Abalos, jr. bilang acting mayor ng Bamban sa loob ng tatlong buwan.
Ito ay kasunod naman ng Ombudsman dismissal sa dating alkalde na si Alice Guo habang may suspensyon din na nakahain kina Vice Mayor Leonardo Anunciacion.
Nananawagan naman si Timbang sa mga taga-Bamban ng pagkakaisa sa gitna ng mga kontrobersya na kinasangkutan ng mga nanunungkulan dito.