Sa wakas, nalinis at na-ialis na
Ang mabaho at gabundok na basura
Sa barangay Pampang, na ipinamana,
Ni Blueboy kay EdPam nang bumaba siya.
Liban sa milyones na jpagkakautang
Ng Angeles city, na di nabayaran
Nitong dating Mayor, kaya’t lahat ng yan
Ay minana pati ni Mayor Pamintuan?
Kung saan kasama na rin yata itong
‘Hauler’ at tapunan ng basura noon
Sa di nakasingil ng kung ilang milyon
Kaya di na pinayagan pang magtapon;
Puwera sa hindi rin tuluyang pagpayag
Ng ‘Kalangitan landfill’ sa bayang Capas
Na ipagpatuloy ng naturang siyudad
Ang pagdadala riyan ng kanilang kalat.
Kung kaya sanhi ng ganyan ay umabot
Sa puntong ika nga’y gabundok na halos
Itong basura sa MRF ng lungsod,
Dala ng wala nang pumayag maghakot.
Kaya pag-upo ni EdPam, dali-daling
Naghanap kung saan sila ay posibleng
Makakuha nitong ‘sanitary landfill’
Upang ang problema’y tuluyang lutasin.
At tulad ng dapat asahan kay Mayor
Ay natupad lahat ang pangako nitong
Ipalilinis ang basurang naroon,
Na minana sa dating administrasyon.
Kung saan base sa opisyal na ulat
Ng EMS, nakapag-hakot na’t sukat
Mula sa MRF ng naturang siyudad,
Nang mahigit halos sa beinte toneladas.
Umpisa Abril 2 hanggang 24
Nitong nakalipas ng buwan ng Mayo;
Kung kaya posibleng matapos ang Junio
Simot ng lahat ang basurang narito.
Ayon sa ‘personnel’ mismo ng EMS
O ng ‘Environmental Managements Service’
Na nakapaghakot na mula Angeles
Ng di kukulangin sa isang libong ‘trips’
Kaya sa ‘summit’ ng ‘solid waste management’
Na ginanap kamakailan sa Angeles,
Matibay na ipinangako ni Ka Ed
Ang pagmantine sa naturang MRF
Upang di maulit ang gaya ng dati
Na ito ay maging imbakan palagi
Ng basura, bago yan hakutin muli
Ng ‘hauler’ dahilan sa naunang sanhi.
Na amoroso sa kanyang obligasyon
Ang Alkalde, tulad sa kaso ni Blueboy;
Na nagkautang ng daan-dang milyon
Sa ‘Kalangitan landfill’ at ‘haulers’ doon.
Sapagkat una sa lahat kalusugan
Ng naninirahan sa barangay Pampang
At pasyente ng kalapit na ospital
Ang ninanais niyang pangalagaan;
Kasama pati na itong mamimili
Sa kalapit nitong Pambayang Palengke,
Ng Pampang, kaya’t ang butihing Alkalde
Ay lubhang masugid sa pananatili.
Ng isang malinis na kapaligiran,
Di lamang sa ‘public market’ na naturan,
Kundi pati na sa buong kalunsuran
Na taos puso niyang handang paglingkuran!