Medyo matagal-tagal pa ang Labor Day na ipinagdiriwang tuwing ika-1 ng Mayo ng bawat taon, pero mauuna nakong magsulat tungkol dito, ukol sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.
Hindi ako masyadong nagsusulat o gumagawa ng mga istorya tungkol sa “Holy Week” dahil hindi ako payag na isang linggo lang ang banal na panahon sa isang buong taon sa Pilipinas. Kaya siguro dumadami na ang naniniwalang walang impierno. Wha!
Balik tayo sa pagiging manggagawa. Hindi ako makapaniwala na ang minimum wage sa Gitnang Luzon ay hindi pa umaabot ng P400 kada araw.
Batay sa website ng National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa P330 lamang ang minimum wage ng mga manggagawang nagtatrabaho sa mga kumpanya na may P30-million na pag-aari o assets.
Sa Aurora ay mas mababa naman ang minimum wage. Nasa P279 kada araw ang mga nagtatrabaho sa mga kumpanya na hindi pang-agrikultura at P264 naman ang pang-agrikultura.
Ibig sabihin, kung kakaltasan pa ito para sa Social Security System, PhilHealth, Pag-ibig at withholding tax, kakarampot nalang ang naiuuwing sahod ng isang minimum wage earner. Kaya madalas ay 5-6 ang kanilang takbuhan.
Ang iba naman ay isinasanla ang kanilang mga ATM cards bilang collateral sa kanilang utang, o di kaya’y sarili nilang mga cellphone para lamang makaraos.
Subalit dahil mahirap ang buhay, madami ang pumapayag sa ganitong pasahod. Karamihan sa mga kumpanya ay hindi rin nagbibigay ng libreng pagkain o pang-meryenda man lang.
Ni pambili ng tubig ay wala din kahit na inuutusan na sa mga malalayong lugar, o kapag ang isang manggagawa ay sa field ang trabaho.
May mga employer pa nga na kung ituring nila ang kanilang mga empleyado ay parang mga alipin. Ang iba naman ay nakikinabang ng husto sa pawis at dugo ng uring manggagawa.
Sisingilin ng ahensiya ng mataas ang kliyente subalit napakaliit naman ng ibinibigay na sahod sa mga manggagawa. Hindi nako magsasabi ng pangalan, tutal ang may-ari nito ay lagi namang talunan (loser!)
Laging naaabuso ang karamihang mga manggagawa. Dati ay mahaba na ang walo hanggang sampung oras na diretsong trabaho at ang dalawang oras na sobra ay maituturing ng overtime at dapat bayaran. Ngayon, kahit umabot pa ng 12 oras ay walang overtime pay.
Ang mga security guards at ang mga nagtatrabaho sa mga malls ang laging nagiging biktima nito. Maliban sa kakarampot na sahod, hindi pa ito ibinibigay sa tamang oras.
Sa katunayan, sinabi ng isang security guard na ang kanilang agency na nasa Lungsod ng Angeles ay hindi pa nagbibigay ng kalahati ng kanilang 13th month pay. Madalas aniya ay delayed ang kanilang sahod ng lima hanggang pitong araw.
Sabi nga niya, hindi manggagawa ang hanap nila kundi mga alipin.
q q q
Ang ibang mga fast food chain naman ay may kanya-kanyang mga “modus-operandi”. May kumpanya na papipirmahan ang kanilang mga management trainees o managers ng dalawang taong kontrata na sila lang ang panalo.
Sa nasabing kasunduan, kapag nagresign ang empleyado na wala pang dalawang taong nagtatrabaho ay kailangan nitong bayaran ang tatlong buwang sahod nito.
Kung P14,000 kada buwan ang sahod ng isang manager, babayaran niya ng P42,000 ang kumpanya bago ito bigyan ng clearance at certificate of employment.
Kaya wala silang magawa kung hindi ang tapusin ang dalawang taon kahit hindi na sila masaya sa kanilang mga trabaho. Sino nga naman ang mangangahas mag-resign sa gantitong “pagkakagapos?”
Sa mga service crew naman, madalang na madalang sa kanila ang ginagawang regular employees upang magkaroon ng kumpletong benefits, depende pa kung ang kumpanya ay franchised o hindi.
Madalas ay anim na buwan lang silang nagtatrabaho at pagkatapos ay end of contract na. Ang halos nireregular ay mga magagaling na cook dahil malaking kawalan nga naman kapag hindi sila tinaasan ng sweldo, siguradong lilipat ng ibang kumpanya.
q q q
May malalaking paaralan o unibersidad naman ang nang-aabuso ng kakayahan ng mga coaches at trainers.
Pahahawakan ka ng dalawang koponan (varsity team) at pagkatapos ay umaabot lang ng P3,500 kada buwan ang sahod na kulang pang pamasahe, pambili ng medyas, sapatos at pang-libre sa mga atleta kapag nananalo dahil hindi naman nagbibigay ang paaralan ng kahit token o pakuswelo de bobo kapag nananalo.
Katwiran nila, may “100 % scholarship naman” daw ang mga bata. Magkano naman ang miscellaneous fees na binabayaran nila?
Isang patunay ito na maliban sa ibang mga pribadong kumpanya, pati mga malalaking paaralan din ay sadyang abusado at mapagsamantala narin.
Sa sobrang abuso, hindi banal, kundi dalawang demonyong anghel ang sumanib na dito.