Home Headlines Abet: Walang maiiwan sa pagsulong ng kalusugang-pangkalahatan 

Abet: Walang maiiwan sa pagsulong ng kalusugang-pangkalahatan 

938
0
SHARE

Bataan Gov. Abet Garcia


 

LUNGSOD NG BALANGA — Nangako si Gov. Albert “Abet” Garcia na walang sino mang maiiwan sa ginagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pagsusulong ng kalusugang-pangkalahatan para sa bawat isang Bataeño.

Ito ang buod ng mensahe ng butihing governor ngayong Miyerkules bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Healthcare Coverage Day na ginugunita tuwing ika-12 ng Disyembre.

Ang Bataan, aniya, ay isa sa mga pilot provinces sa bansa na nagpapatupad ng universal healthcare program.

“Ilan sa mga ito ay ang pagpapatupad ng Service Delivery Network na nakatutulong sa maayos at mabilis na sistema ng pagtanggap ng pasyente ng ating mga ospital, Nandiyan ang 1Bataan Seal of Healthy Barangay na ngayon ay 1Bataan Seal of Covid-free and Dengue-free Barangay na kumikilala sa mga barangay na nangunguna sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan,” sabi ng governor.

Bukas din, ani Garcia, ang 1Bataan Malasakit Dialysis Assistance center na nagbibigay ng libreng gamot para sa mga sumasailalim sa dialysis treatment at iba pang mga programa.

“Makaaasa ang lahat na walang maiiwan sa ating mga de kalidad ng serbisyong pangkalusugan na patuloy na isinusulong ng ating pamahalaang panlalawigan,” patuloy ng governor.

Ibinalita rin ni Garcia na umakyat na sa 965,750 ang kabuuang bilang ng vaccine doses na naiturok sa lalawigan simula pa nang gumulong ang programang pagbabakuna kontra-Covid-19 sa lalawigan, kasama rito ang 14,026 booster doses na naiturok sa eligible general adult population.

Umabot na sa 415,811 ang fully-vaccinated mula sa kabuuang bilang na 535,913 na nakatanggap ng first dose.

“Patuloy na nagsisilbi ang 29 vaccination sites sa 11 bayan at isang lungsod ganoon din ang vax on wheels na umiikot sa malalayong lugar,” sabi ni Garcia.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here