(KARUGTONG NG SINUNDANG ISYU)
SA DI parehas na klase ng negosyo
At ibang transaksyon sa kilalang tao,
Kung saan lumabas na kasosyo nito
Sa pandarambong ang ilang pulitiko
Na ngayon ay tanaw ng buong daigdig
Itong PDAF Scam na kung saan sabit
Ang ilang Solons na lubhang matitinik
Sa pag-gawa riyan ng di kanais-nais;
At magpakabundat sa kuwarta ng bayan
Imbes sila itong gumawa ng bagay
Na ikabubuti nitong dapat nilang
Mapagsilbihan ng wasto’t buong husay.
Ngunit dala na rin nitong pangsarili
Nga lang kapakanan ng nakararami
Ang nangingibabaw sa pagtupad pati
Ng tungkulin nila, yan hangga’t maari
Ay pagkakitaan muna ang posibleng
Laman ng isip at tunay na damdamin,
Kaysa isa-puso ang marapat gawin
Para magampanan ang para sa atin.
.
Na sadyang taliwas sa dapat mangyari
Sapagkat niloko na rin tayo pati
Nitong asa natin ay napakabuti,
Pero kapural din pala r’yan ng buwitre?
Kaya sa puntong yan ay paka-iwasan
Nating madampi man lang mga kamay
Nitong kung sino r’yang ilang indibidual,
Na posibleng sangkot sa anumang ‘Scam’
Partikular na r’yan itong ikinanta
Ng ‘whistle blower’ na naglantad kumbaga
Sa katiwaliang ‘billions’ ang halaga,
Nitong umano ay ‘ghost projects’ lang pala?
Sapagkat oras na tayo ay malingat,
Di malayong itong ‘relief’ na nagbuhat
Mula sa ibang bansa o ibayong dagat
Ay biglang sa kamay nila ay lumagpak
Mabuti na lamang at may ibang nasyon
Itong sa atin ay nag-abot ng tulong,
Kundi baka hanggang sa oras na itong
Sinusulat ko ang aba nating kolum
Ay wala pa kahit tutong man marahil
Ang sa biktima ay pihong nakarating,
Dala na ring nitong puro lang patsarming
Itong ibang nasa pamahalaan natin.
Kung saan madalas ay ‘missing-in-action’
Itong karamihan – at tuwing eleksyon
Lamang yang palaging ika nga’y “visible”
Sapagkat sila ay may posisyong habol.
Pero sana naman sa panahong ito
Na ang Pilipinas ay grabeng binayo
Ng mapaminsala’t malakas na bagyo
Ay magising na ang bawat Pilipino
Sa nagdudumilat na katotohanang
Ang ating gobyerno’y usad pagong minsan
Sa pagtugon nito sa marapat bigyan
Ng ika nga’y tulong na pangkagipitan
Gaya halimbawa sa situasyong ito,
Na halos wala ng makain ang tao;
Eh, aanhin pa nga kumbaga sa damo
Ang ‘relief’ na galing sa ating gobyerno;
(Kung patay na rin lang naman ang kabayo,
Bago dumating yan sa sabsaban nito?!)