Home Opinion ‘A tribute to Capampangan heroes’

‘A tribute to Capampangan heroes’

871
0
SHARE

Bagama’t nakalipas na ang petsa
ng kapangakan ng ating dalawa
na naging bayani dito sa Pampanga,
ating sariwain, naging buhay nila.

Na sina Pedro at Jose Abad Santos
ng San Fernando ay nais kong ihandog
sa kanila itong sa puso ay taos
pusong isinulat sa wikang tagalog.

Upang ipabatid sa di natin kapwa
mga Capampangan ng laman ng tula
ng pagkamapuri  at pagka-dakila;
dugong-bughaw man ‘yan,  asal ay mababa.

Kapwa matulungin, sukdang ang kapalit
isuong ang buhay nila sa panganib,
gayong alin pa man d’yan sa magkapatid
propesyonal at may sariling daigdig.

Mga magsasaka na tinutulungan
ni Don Pedro laban sa mga mayamang
haciendero, bilang Attorney ay di niyan
hinayaang arga-biaduhin ninuman.

Libre ang serbisyung legal ni Perico
sa kahit sinuman na minamaltrato
ng mapag-imbot at mapanlokong tao
kaya ilag pati kapwa abogado.

At mas pinili ang buhay na mahirap,
na patago-tago at nang walang tiyak
na tirahan nang siya’y ma-‘wanted’ at sukat;
pati kung saan ang labi niya nasadlak.

At may nagsasabi, sa Minalin siya
inabutan yata ng huling tibok ba
ng pintig ng puso sa isang kubo na
kung saan di tukoy kung sinong kasama.

ANG nakababata na si Jose (Sesing
ang tawag ng iba at kapamilya rin)
siya ay direkta na maihahambing
sa naging buhay r’yan ni Jose Rizal din.

Aywan nga lamang kung sa panahon natin
may isa pang Rizal at Bonifacio rin
na ibuwis  ang buhay para sa’ting
kalayaan laban sa mapang-alipin!

Kung saan ating Jose Abad Santos
ipinagpalit ang paglaya ng lubos
sa kamay ng mga Jap na mananakop
kaysa Inangbya siya tumalikod.

At taksil sa bayan, kaya minatamis
ang mamatay r’yan ng kahit kaunting dungis
ng pagka-traydor ay walang naging bahid
ang pagkatao ng ating ‘Chief of Justice’.

Ito ay noong siya’y makuhang matutop
ng mga Hapones malapit sa bundok
na kung saan pati ang ating ‘allied force’
na mga Kano ay kasamang namundok.

Ang hamon ng mga sundalong Hapones
palayin yan sa ilang kondisyones
na marapat gawin at isa’ng umanib
sa gobyerno nila’t siya ay di nag-‘yes’.

Kung kaya nga’t itong mapait na hatol
ng Imperialista at ganid na Hapon,
‘firing squad’ itong kay Seseng ang tugon
sa kanyang ubod ng tigas na pagtutol!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here