WALA NA bang iba pang mapagtuunan
ng pansin itong ating kagalang-galang
na Pangulo, at kung bakit ang pangalan
ng Pilipinas ay gusto niyang palitan?
Gayong kayrami r’yang iba’t-ibang dapat
mabigyan muna ng pangunahing lunas
kaysa tangkain niyang baguhin at sukat
ang katawagan ng bansang Pilipinas!
Bahagi na nitong ating kasaysayan
ang sa ating bansa ay ipinangalan,
kaya para ano’t ninanais pa niyang
ibahin ang ating pagkakakilanlan?
Mababawasan ba’ng ating pagkatao
sa katawagan na tayo’y Pilipino?
(Na taglay na natin ng kung ilang siglo,
kaysa dating tawag sa atin ay Indio?).
Para palitan pa ng ibang pangalan
itong ating bansa ay di na kailangan
at maituturing na kalokohan lang
sa ganang marami nating kababayan.
Ang ‘Maharlika’ ba na gustong itawag
at ipalit sa katagang Pilipinas
ng ating Pangulo ay magpapaangat
sa kabuhayan ng mga mahihirap?
Hindi pagpapalit ng ngalan ng ating
mahal na bansa ang pinakamabuting
hakbang upang umasenso ang Philippines
o ang Pilipinas sa panahon natin
Kundi ang marapat palitan ay itong
mga kawatan at mga mandarambong
na mga opisyal sa gobyerno ngayon,
gaya ng Congressmen at mga Senador
At iba pang mga walang kabusugan
sa pagnanakaw ng salapi ng bayan,
tulad nitong mula’t sapol tanging angkan
ng mga ‘trapo’ ang manik, manaog diyan.
Di po nilalahat ng aba n’yong lingkod
ang mga nabanggit na ‘manik, manaog,’
pero karamihan sila na lang halos
itong sa Batasan laging naluluklok
Eh, bakit nga hindi ay sila’ng mapera
at kayang mamili ng botante nila?
(Bagama’t di lahat, pero ilan na ba
ang mga pinalad na kapos sa kuwarta?)
Sa puntong ito ay diyan natin isentro
ang ikabubuti ng ating gobyerno,
at di sa plano ng butihing Pangulo,
na wala ring buting maidulot piho.
Manapa ang dapat muna niyang tutukan
ay ang paglansag sa ‘endo’ at iba pang
labag sa batas na ipina-iiral
ng mga ‘employers’ sa kasalukuyan.
(At itong bago pa sana maghalalan
ay magawa rin niya na maipa-iral
ang ‘Noel,’ at tulad ng noon sabi niyang
‘by appointment’ muna ang manunungkulan
Maipatupad na upang itong gaya
riyan ng mga ‘corrupt’ at salot sa Masa,
mapalitan na ng napipisil niya
na inaakalang may puso’t kaluluwa!)