Taon-taon walang pagbabago halos
Itong ng dahil sa bawal na paputok,
Ay may mga batang muntik nang maubos
Ang daliri sanhi ng biglang pagsabog
Ng dinampot nitong ‘pla-pla’ o anumang
Uri ng paputok na ina-akalang
Hindi nasindihan o nagmintis lamang
Ang mitsa kung kaya’t hindi pumutok yan.
Di na rin kakaunti pati sa may edad
At kabataan ang mga napahamak
Ng dahil na rin sa pagsabog at sukat
Sa kanyang kamay ng paputok na hawak
Habang ito’y handa na sanang ihagis,
Pero sanhi na rin ng napakabilis
Na pagliyab nito’t saka pagsagitsit,
Yan ay sumabog na bago nai-hagis!
Iilan lamang yan sa disgrasyang dulot
Ng anumang uri ngayon ng paputok
Na pinagbabawal sa alin mang sulok
Ng bansa, pero yan ay di nasusunod.
Kasi tama’t mayrung mga ordinansa
Na nagbabawal n’yan o naglilimita
Sa kung anong klase ang dapat itinda,
Ngunit ito po ba ay siniryoso na?
Partikular na ng mga otoridad
Na siyang marapat na tumingin at lahat;
Kaya naman, hayan tama’t mayrung batas
Hinggil sa naturan, laging nalalabag.
Ano’t itong nagtitinda ng paputok
Ang hinuhuli riyan at di itong bugok
Na ‘manufacturer,’ na di sinusunod
Ang batas hinggil sa paggawa ng ‘fireworks’?
Na kung saan itong ipinagbabawal
Ay patuloy pa ring ipinupuslit niyan
Sa pamamagitan ng mangangalakal
Na nabubuhay sa bagay na illegal.
Kasi batid na n’yan na nakalalason
Ang ‘watusi’ saka iba pang produktong
Nakapipinsala, bakit ya’y patuloy
Na nagagawa kung di ‘under-the-table’
Ang posibleng nasa likod nitong lahat
At ilang opisyal na nakatataas,
Itong sa puntong nasabi ang may basbas
Kung kaya okey lang labag man sa batas.
Kung bawal ang ‘pla-pla’ at iba pang klase
Ng paputok na di dapat gawin pati,
Di ba’t marapat lang na ang may ‘factory’
Ng aumang iligal ang idetine?
Oras na sila ay mahulian nitong
Klase ng paputok na di na-aayon
Sa kung anong dapat na i-‘manufacture’
Nitong gumagawa ng ‘fireworks’ sa ngayon.
Upang sa gayon ay di itong kawawang
Naglalako lang ng ‘fireworks’ na naturan
Ang hinuhuli at saka sinasamsam
Ng otoridad ang mga paninda n’yan;
Pagkat maliban sa ang ugat ng lahat
Ang maputol ayon sa dikta ng batas,
Ay mananatiling buhay ang paglabag
Ng kahit sino sa gawang di marapat.
Eh bakit nga hindi ang pinagmumulan
Ng anumang bagay na pinagbabawal
Itong ipasara ng pamahalaan,
Upang mawala sa merkado ang ganyan?
Kaysa taon-taon ay paulit-ulit
Na nalalagay sa matinding panganib
Ang nakararami lalo na ang paslit
Na karaniwang biktima sa paligid!