Home Headlines Christmas décor sa Samal na gawa sa capiz shells; Bataan Tourism Park...

Christmas décor sa Samal na gawa sa capiz shells; Bataan Tourism Park nabalot ng liwanag

759
0
SHARE

Samal, Bataan: Inilawan na ang iba-ibang Christmas decoration na karamihan ay gawa sa kapis (capiz shells) sa harap at paligid ng municipal hall ng Samal, Bataan na sinaksihan ng maraming tao noong Sabado, Disyembre 2.

Nakadagdag sa kasayahan ang fireworks display matapos ang countdown at magliwanag ang paligid at tumambad ang magandang hugis ng munisipyo na nababalot ng nakakaakit na liwanag.

Isang malaki at matayog na Christmas tree na gawa mula sa capiz shells ang kapansin-pansin lalo na’t maririnig ang pag-uumpugan ng mga kapis kapag tinatamaan ng hanging amihan.

Iba-ibang mga Christmas décor ang umaakit ng pansin gaya ng Christmas bell, malaking hugis bituin, replica ng kalabaw na naiilawan ng hugis halaman na Christmas lights, malalaking Christmas balls na nakasabit sa mga puno at iba pa.

Sa center island ng kalsada, katabi ng munisipyo, naghilera ang malalaking tila chandelier na pawang gawa rin sa kapis at nagbibigay liwanag sa daan. Sagana sa capiz ang dagat ng Samal.

Pinangunahan ni Mayor Alex Acuzar ang lighting ceremony na dinaluhan din ni Samal municipal Tourism Council chairperson Arlene Acuzar at mga kasapi ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Ronnie Ortiguerra ganoon din ang mga department heads at empleyado ng municipal government.

Bumati si Congresswoman Geraldine Roman ng Unang Distrito ng Bataan.

Samantala, nabalot ng kaakit-akit na liwanag mula sa iba-ibang Christmas decorations ang malawak na Bataan Tourism Park na nagsisilbing pasyalan ng maraming tao matapos buksan ito noong Biyernes, Disyembre 1.

Ito ay matatagpuan sa tabi ng Roman Superhighway sa Balanga City na nagiging tanglaw sa madilim na paligid. Bukas ang mga pailaw sa park mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi.

Nagliliwanag ang maraming puno at halaman dahil sa mga nagbiting Christmas lights. Iba-ibang hugis ng Christmas decoration ang makikita sa paligid.

Kapansin-pansin ang malaking pulang hugis puso na gawa sa Led lights ganoon din ang mga Christmas lights na nagsilbing bubong sa isang maliit na tulay.

Nagsisilbing background ang reindeer at mga Christmas balls sa likod ng mang¬-aawit na buong kasiyahang pinakikinggan ng mga bisita habang nakaupo sa nagliliwanag na malaking hagdanan.

Nang buksan ang mga ilaw noong Biyernes, nagtanghal ang mga kilalang koro, banda at orchestra sa lalawigan ng “Concert in the Park.”

Pinangunahan ni Gov. Jose Enrique Garcia 3rd ang Christmas lighting ceremony kasama sina Bataan Tourism officer Azucena Sugatain, Bataan Peninsula Tourism Council Foundation
chairperson Isabel Garcia at adviser Vicky Garcia, Bokal Popoy del Rosario at Bataan League of Municipalities President and Orion Mayor Tony Pep Raymundo. (30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here