Kung matatakutin ka’t medyo mahina
Ang dibdib sa anumang uri ng banta,
Huwag mo nang tangkaing makisalamuha
Sa mga kilalang ‘mediamen’ ng bansa
Na walang sino pa mang kinikilingan
Sa paghahayag ng ano pa mang bagay,
Na maaring ikademanda, kundi man
Posibleng mitsa rin ng sariling buhay.
Kung saan ang iba’y di lang nademanda
Ng libelo, kundi pinagsasaktan na;
At marami-rami na ang itinomba
Ng palaging nasasagasaan nila.
At itong iba pa na nangasawi rin
Ng dahil lamang sa kanilang hangaring
Makapaghatid ng balita sa atin
At opiniong marapat maiparating;
Ay tunay naman ding nakaka-alarma
Itong malimit ay may nadidisgrasya
Partikular na sa mga kolumnista
Na lubhang matalas ang panulat nila..
Kung kaya nga’t bunsod lang ng pagnanais
Nitong talamak ang gawang di matuwid,
Na maisima n’yan pati na rin bibig,
Kamay na bakal ang kanilang pangkarit.
Na kung saan halos ay di mabilang
Sa daliri itong naging biktima riyan
Ng karahasan at kalapastanganan,
Sanhi lang ng bagay na ating tinuran.
At kadalasa’y direktang pagkondena
Sa iligal nilang aktibidad tuwina,
Na kinakailangang malaman ng masa,
Lalo’t isyung lubhang napakahalaga.
Na maaring makapinsala sa bayan
Kung di kikilos ang kinauukulan;
At sa puntong ito napag-iinitan
Ang Media kapag ang isyu’y ibinulgar!
Pagkat di malayong otoridad minsan
Ang kasabuwat mismo kung ito’y nakawan;
Liban sa iba pang bagay na iligal,
Kung saan ang sangkot ay mga opisyal.
Na siyang sa lahat ay lubhang mapanganib
Para sa ‘mediamen’ sa anumang saglit;
Lalo pa’t kung ito ay kasanggang dikit
Ng kung sinong kay Sir malakas ang kapit.
Na di mahapawan ng gatang ika nga,
Kahit makanti lang natin nang bahagya;
Kung kaya bunsod n’yan posibleng mawala
Sa dilim ang sinumang bumanggang kusa.
Kaya masuwerte r’yan ang isang Anchorman
Sa isang Istasyon ng Radyo, kung saan,
Pinasok siyang bigla ng isang opisyal
Habang ‘on the air’ siya sa Radio ng Bayan;
At pinitsera lang yata ng nasabing
Opisyal na di na kailangang banggitin
Ang pangalan, pagkat tila nag-‘sorry’ din
Matapos gumawa ng pagmamagaling!
Alalaon baga, sa puntong nasabi
Ay Mediamen itong biktima parati
Ng pagmaltrato at pagkasawi pati
Sanhi ng ganitong mga pangyayari.
Pero ganun pa man di pa rin lalamig
Ang alab ng ating mga pagnanais,
Na maiparating sa masa ang tinig
Ng katotohanan sa lahat ng saglit.