Home Headlines Nakabibighaning Christmas decor ng Balanga City inilawan na

Nakabibighaning Christmas decor ng Balanga City inilawan na

808
0
SHARE

LUNGSOD ng Balanga: Inilawan na at dinayo ng napakaraming tao, bata at matanda, ang nakabibighaning Christmas decoration ng Lungsod na ito sa Bataan kagabi, Huwebes.

Nagliwanag ang Plaza Mayor de Balanga, cityhall, center island sa tapat ng Saint Joseph Cathedral at tatlong matataas na commercial building nang buksan na ang mga palamuting Pamasko na umano’y European-inspired.

Pinangunahan nina Gov. Jose Enrique Garcia 3rd at Balanga City Mayor Francis Garcia ang maikling programa na sinundan ng switch-on na puno ng saya at pananabik.

Sa bilang na sampu, sumambulat sa nagnining-ning na liwanag ang madilim na paligid kasabay ang “wow” at palakpakan ng mga tao.

May mga tunnel of lights na nang magliwanag ay napuno ng mga tao na kuha dito at kuha doon ng litrato.

May matatayog na parang mga puno na may kakaibang tila dahon, hugis-buwan na palamuti, tila mga regalong nagnining-ning, malalaking Christmas bell, malaking winter snow globe, giant Christmas sock at iba pang nababalot ng Christmas lights.

May kakaibang belen na hinubog mula sa mga kaakit-akit na Christmas lights.

Nakadagdag ng sigla nang buksan ang water fountain na kahit mabasa ay naglaro pa dito ang mga bata.

Kapansin-pansin din ang isang firetruck na may mga palamuting Pamasko. Hindi magkamayaw ang mga nagpapakuha ng litrato sa mascot ng Bureau of Fire Protection ng Balanga City.

Masayang umuwi ang mga tao na baon nila sa alaala ang tinatawag na Paskong Balangueno. (30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here