LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Humigit kumulang 1,500 residente sa Bulacan ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa idinaos na People’s Caravan ng National Housing Authority (NHA) sa bayan ng Pandi.
Layunin nito na masuportahan ang mga benipisyaryo ng proyektong pabahay sa kanilang kabuhayan at matugunan ang kanilang pangangailangan.
Ayon kay NHA Community Support Services Department Manager Lolita Mediavillo, kabilang sa mga isinagawa sa naturang caravan ang paggawad ng mga titulo sa may 28 fully-paid na benepisyaryo ng iba’t ibang proyektong pabahay sa lalawigan.
Naghatid naman ng serbisyong medikal at dental ang Philippine Red Cross, Philippine National Police, Bulacan Provincial Medical and Dental Team, at Damayan sa Barangay Movement.
Nagbigay rin ng hands-on training ang Department of Information and Communications Technology habang may local recruitment activity ang Public Employment Service Office.
May bitbit na KADIWA Pop-up Store ang Department of Agriculture habang nagkaroon ng site registration ang Philippine Statistics Authority, Social Security System, at Philippine Health Insurance Corporation.
Namigay naman ng libreng gamot ang Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Nagsagawa rin ng oryentasyon ng mga programa at serbisyo ang Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Commission on Population and Development, at Technical Education and Skills Development Authority habang may libreng konsultasyon mula sa Public Attorney’s Office.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si Bise Gobernador Alexis Castro sa NHA sa paghahatid ng programa sa mga Bulakenyo partikular sa mga relocation areas.
Malaking bagay anya ito dahil hindi na kailangan pang magtungo at bumyahe upang makatanggap ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan ang mga mamamayan. (CLJD/VFC-PIA 3)