Ano pa kaya ang posibleng ihabol
Ni ‘former Angeles city Mayor Blueboy
Sa naging resulta ng ‘May 10 election,’
Laban sa Alkaldeng nakaupo ngayon?
Kung saan ang naging bilang ng nakuhang
Boto ni Blueboy ay 50 percent lamang
Halos ng bumoto kay Mayor Pamintuan,
Kaya imposibleng makahabol pa yan
Sa ‘recounting of votes’ na isinusulong
Ng dating Alkalde, sakali ma’t mayrung
Hindi naibilang o ‘margin of errors’
Ang dapat sana’y para sa dating Mayor.
Na imposible rin namang mangyayari
Pagkat alin man sa magkabilang ‘party’
Ay may kani-kanyang ‘watchers’ na sarili
Para obserbahan ang bilangan pati.
Kung saan malinaw na makikita niyan
Ang bawat kilos ng mga nagbibilang,
Kaya di pupuedeng ibigay kay EdPam
Ang para kay Blueboy sa puntong naturan.
O sa kanino mang ibang ‘candidate’ pa
Ang para kay Juan pagkat may ‘watcher’ siya;
Liban sa marami ring nakakakita,
Kaya di maaring magmilagro basta.
Tama’t sa isang banda’y karapatang legal
Ng sinuman upang kanyang ipaglaban
Ang para sa sarili niyang kapakanan
Kailanma’t may duda sa anumang bagay.
Pero kadalasan ang ganyang protesta
Ay para bagang pantakip na lang tuwina
Ng ‘amor propio’ riyan (o kahihiyan ba?)
Nitong ibang talunan sa pulitika!
At kung saan itong iba’y sinasabi,
Kaya raw natalo ay dinaya kasi;
(Bagama’t mayrun din namang pangyayari,
Na nadaya itong kapos sa pambili)
Pero itong kina sir Blueboy at EdPam
Ay tila malayo sa katotohanan,
Na nagkaroon ng anumang dayaan,
Saan mang anggulo natin pakatingnan.
Una, siya itong ‘incumbent,’ at higit
Na may kakayahang posibleng gumamit
Ng kung ano pa mang di kanais-nais
Na pamamaraan sa lahat ng saglit.
At bilang ‘incumbent,’ higit kanino man
Si Blueboy itong mas posibleng pakinggan
Ng ‘Board of Canvassers’ kaysa nakalaban
Sakali ma’t nagkaroon ng dayaan.
At maging ang mga nasa palingkurang
Pambayan ng lungsod ay hindi kay EdPam
Ibubuhos ang suporta’t tangkilik niyan,
Kung si Blueboy pa rin ang gustong ihalal.
Kaya sa puntong yan, mas makabubuti
Na madaliin ang pag-resolba pati
Ng Comelec hinggil sa isyung nasabi
Upang ang tunay at panalong Alkalde
Ng naturang siyudad ang siyang walang duda,
Na mai-‘proclaim’ nang panalo talaga;
(Kahit pa ma’t ubod ng liit ang tsansa
Ng dating Mayor sa magiging resulta).
Pagkat itong halos singkwenta por siyento
Ng lamang kay Blueboy ni mayor Edgardo,
Ay imposible nang mahigitan nito
Sa lahat ng kanyang balwarteng presinto!