Home Headlines Kalusugan ng mga bata sa Aurora prayoridad ng Kapitolyo

Kalusugan ng mga bata sa Aurora prayoridad ng Kapitolyo

506
0
SHARE

BALER, Aurora (PIA) — Prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang kalusugan ng mga bata sa Aurora.

Kabilang na riyan ang pagsasagawa ng screening sa mga bagong silang na sanggol na nakakatulong sa maagang pagsusuri at pagtuklas ng sakit.

Inilahad ni Gobernador Christian Noveras na sa ganitong paraan, ang mga bata ay nabibigyan ng pagkakataon na maabot ang kanilang buong potensyal.

May kabuuang 2,129 sanggol ang sumailalim sa newborn screening sa apat na pampublikong ospital sa lalawigan noong nakaraang taon

Nagresulta aniya ito ng mas mababang infant mortality rate na 1.3 porsyento noong 2022, kumpara sa 5.35 porsyento noong 2021.

Sinabi ni Gobernador Christian Noveras sa katatapos na State of the Children Address na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ng Aurora ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga bata. (Provincial Government of Aurora)

Samantala, nagkaroon din ng treatment program ang Kapitolyo para sa 180 na bata na may drug-resistible tuberculosis.

May kabuuang 88 naman ang sumailalim sa tuberculosis preventive treatment habang nasa 4,089 ang naserbisyuhan na kabataan ng dental and oral health program.

Sa kabilang banda, 24,576 bata edad lima hanggang siyam ang nakatanggap ng una at ikalawang dosis ng gamot pang-deworming.

Binanggit din ni Noveras ang pagpapalawig sa Provincial Nutrition Action Office at Operation Timbang Plus na taunang pagsukat sa timbang at taas ng lahat ng batang may edad lima pababa.

Ang programang ito ay nakatuon sa pagpapabuti ng nutritional status ng mga bata sa pamamagitan ng paglalapit ng serbisyo ng Kapitolyo.

Tinitiyak naman ni Noveras ang patuloy na pagbabalangkas ng mga polisiya, ordinansa, programa at konkretong proyekto para matugunan ang pangangailangan ng mga bata kabilang na ang mga persons with disabilities at special education. (CLJD/MAT-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here