BALER, Aurora (PIA) — Patuloy ang isinasagawang kampanya ng Department of Health o DOH upang mapuksa ang sakit na H5N1 Avian Influenza o bird flu.
Ang H5N1 Avian Influenza o bird flu ay isang sakit na may lima hanggang 70 porsyentong fatality sa mga lahing ibon.
Inilahad ni DOH Local Health Support Nurse V Joseph Michael D. Manlutac na ang bird flu ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng dumi at laway ng may sakit na ibon o wild bird, kontaminadong pagkain at kagamitan sa farm, at paghahalo ng kontaminadong itlog sa incubator.
Nakaaapekto ito sa mga tao at maaaring magdulot ng severe infection tulad ng impeksyon sa mata, lagnat, ubo, sakit sa lalamunan, sakit sa kalamnan, at impeksyon sa dibdib.
Maaari rin itong magdulot ng potensyal na pandemya at banta sa seguridad sa pagkain lalo na sa suplay ng poultry products.
Aniya, kabilang sa aktibidad ng kagawaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito ay surveillance, rapid destruction / culling o pagpatay ng mga kumpirmadong may sakit na livestocks sa loob ng 1 km radius, at pagbantay at paglimita sa galaw ng poultry products sa merkado sa loob o papasok ng bansa.
Ang pag-inom naman ng antiviral drugs tulad ng oseltamivir ng taong tinamaan ng sakit at nagpakita ng mga sintomas sa loob ng dalawang araw ay maaaring makapag pahinto ng paglala nito.
Sabi ni Manlutac, maaaring preventive measure sa bird flu ang pag-iwas sa mga may sakit o patay na hayop, hindi paghuli at paglapit sa mga wild birds, at pagpapanatili ng kalinisan sa mga poultry farms.
Dagdag pa niya, dumulog agad sa pinakamalapit na veterinary office kung magpakita ang mga alagang ibon ng mga senyales tulad ng pananamlay at kawalan ng ganang kumain, hindi normal na pagdumi, pamamaga ng paa, pagkukulay asul o pamamaga ng palong, at pagbagal ng pangingitlog.
Ayon kay Manlutac, kasalukuyang may pitong rehiyon sa bansa ang apektado ng bird flu kabilang na ang Candaba, Pampanga sa Gitnang Luzon. (MJSC/MAT-PIA 3)