‘Suppression of Freedom of Expression?’

    500
    0
    SHARE
    Kung ang paghahayag ng katotohanan
    Ang magpapalaya sa damdaming bayan;
    Ano’t kung sino ang nasa katungkulan
    Ang s’yang tila salat sa kahalagaan?

    Ng tinatawag na ‘freedom of expression,’
    Na kagaya nga po ng isang Vice Mayor
    At itong isa pang ating ‘subject’ ngayon
    Na mababa kaysa una ang posisyon.

    Pero kung umasta asa mo’y kung sino
    Partikular sa di n’ya kasundong tao,
    Gaya sa ‘ting may matatag na prinsipyo
    At hindi ‘for sale’ ang artikulo nito.

    Batid kong noon pa ay may kinikimkim
    Ng kaunting galit ang taong ito sa ‘kin
    Dahil sa isang isyung naisulat natin
    Patungkol sa kanyang di tamang gawain

    Na kung saan itong naturang opisyal
    Ay binira natin sa ilang iligal
    Na pagkilos niya’t posibleng personal
    Na interes nila ng ‘school principal’.

    Gaya ng bigay na materyales noon
    Ni Among, nang siya  pa ang gobernador,
    Yan ba’y nagamit sa saan na-uukol
    Kung di naging paksa yan ng ating kolum?

    At pagbusisi kung saan yan dinala,
    Pagkat di nagamit mismo sa iskwela
    Kung saan marapat gamitin talaga
    Base sa ‘request’ ng PTA Chair nila.

    Na ayon sa report na personal nating
    Natuklasan mula sa PTA na rin,
    Ito pala’y ilang buwan nang dumating
    Pero sa nasabing Chair ay inilihim.

    At nagamit na sa kanilang personal
    Na interes at pang-sariling kailangan;
    Kaya nang mabasa n’yan sa pahayagan
    Ay dagling kumilos upang mapagtakpan.

    Na nagawa namang mapalitan agad
    Ang pinakialamang ‘construction materials’
    Nang may mag-inspeksyon, kaya nakaligtas
    Si Kapitana sa grabeng kaso dapat.

    Pero kung di naging mabagal masyado
    Ang ‘concern officer’ ni Ex-Gov. Panlilio
    Sa pag-aksyong dapat inagapan nito,
    Disin sana’y si Kap ‘caught unprepared’ piho.

    Kaya, hayan bunsod ng ating sinulat
    Patungkol sa kanya, siya ay nag-resbak
    Sa paraang aywan kung ikagagalak
    Ng normal na tao ang kanyang pahayag.

    Kung saan direktang ako’y inihambing
    Sa isang askal na taglay ang matinding
    Rabies sa katawan, na aywan kung dahil
    Sa puntong siya ay inis lang sa akin.

    Kasi nga, kung di man kami magkalaban
    Sa pulitika o ano pa mang bagay,
    Pero pagdating sa usaping gaya n’yan
    Na ang nakataya’y kapakanang bayan

    Ay di nila tayo pupuedeng sindakin
    Sa kung anong pananakot na gagawin,
    Sukdang ang panulat natin ay baliin
    Di pa rin marahil tayo pasisiil.

    At sapagkat tayo ay naniniwala
    Na tanging totoo ang magpapalaya
    Sa tao at sa bayang dinadakila,
    Pababayaan ba tayo ni Bathala?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here